PINAGPAPALIWANAG ng Bureau of Permits ng Manila City Hall ang ilang pharmacy at tindahan ng medical supplies kaugnay sa biglaang pagsipa ng presyo ng facemask partikular ang N95 mask.
Ilang mga reklamo ang natanggap ni Acting Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan kaugnay sa ilang negosyante na sinasamantala ang pagkakataon kaya itinaas ang presyo ng face masks.
Sa ilang mga resibong ipinadala sa MPIO viber group, nagkakahalaga ng P2550 ang isang box ng N95 masks mula sa Chocolate and Kisses medical supply sa Sta. Cruz, Maynila.
Habang ang MEC Medical Supply na matatagpuan din sa Sta. Cruz, Maynila ay pumapatak na P100 ang bawat piraso ng N95.
Kung tutuusin, doble o triple ito kompara sa orihinal nitong presyo kaya naman ilang mga mamimili ang napapamura dahil sa sobrang itinaas ng presyo ng kahit anong klase ng face mask.
Una nang nanawagan si Lacuna-Pangan sa mga negosyante na huwag samantalahin ang pagbagsak ng titis dulot ng pagsabog ng bulkang Taal dahil kawawa aniya ang ilang mamamayan na hindi kayang bumili sa mataas na presyo.
P2.5 milyong financial assistance ang ipagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa nasalanta ng bulkang Taal
Samantala, inatasan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng departamento ng lokal na pamahalaang lungsod na maging alerto at handa sa pagbibigay ng serbisyo sa mga nangangailangang Manileño kaugnay ng pagsabog ng bulkang Taal na matatagpuan sa lalawigan ng Batangas makaraang umabot sa Maynila ang pagbagsak ng titis o abo na nagmula sa nabanggit na bulkan.
Nagsagawa ng special session ang Sangguniang Panlungsod ng Maynila kahapon para maghain ng panukala na magbibigay ang pamahalaang lungsod ng P2.5 milyong financial assistance sa unang limang munisipalidad na lubhang nasalanta at naapektohan ng naganap na pagsabog ng bulkang Taal.
Ibig sabihin umano, sa bawat lungsod na naapektohan ay makatatanggap ng P500,000 na tulong pinansiyal mula sa lungsod ng Maynila.
Bukod dito, inutusan ni Mayor Isko ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Director Arnel Angeles na magtungo sa lugar na lubhang nasalanta ng pagsabog ng bulkang Taal upang maghatid ng tulong lalo sa mga nais lumikas.
Inatasan din ng alkalde si Manila Social Welfare and Development Director Re Fugoso na sagipin ang lahat ng homeless sa lungsod ng Maynila at dalhin sa kanilang evacuation centers sa Delpan dahil sila ang mga unang maaapektohan ng pagbagsak ng titis ng bulkan.
Iniutos din ni Domagoso na pakainin, paliguan at bigyan ng tubig na maiinom.
Maging ang pamunuan ng Manila Health Department na pinamumunuan ng Dr. Poks Pangan, inatasan din ni Mayor Isko na maglaan ng mga face mask at ipamigay sa mga Manileño lalo sa mga bata at senior citizens upang makatulong sa kanila na hindi makalanghap ng abo na maaaring magdulot sa kanila ng “respiratory diseases.”
Kaugnay nito, idineklara kahapon ni Isko, walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskuwelahan sa Maynila gayondin ang mga empleyado ng lokal na pamahalaang lungsod ngunit ang mga departamentong may kaugnayan sa kaayusan, kaligtasan at kalusugan ay nananatiling nakaalerto at tuloy ang serbisyo publiko lalo ngayong panahon ng kalamidad.
Samantala, nagbabala si Vice Mayor Honey Lacuna sa mga negosyanteng nananamantala sa mga mamimili ng face masks makaraang makatanggap sila ng impormasyon na nagsitaasan ang presyo ng N95 Masks sa iba’t ibang pamilihan sa Maynila mula P25 hanggang P30 ay pumalo na umano ito sa P200 kada piraso ng N95 Mask.
Inatasan ni Lacuna-Pangan ang Manila Bureau of Permits at Manila Licenses Office na magsagawa ng inspeksiyon sa mga negosyong nagbebenta ng N95 Mask.
HATAW News Team
Digong hindi tumuloy sa Leyte
NEGOSYANTENG
OVERPRICED SA N95
FACE MASK MANANAGOT
SA BATAS
IPINAGPALIBAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbisita sa Leyte ngayon dahil sa pagsabog ng Taal volcano sa Batangas.
Nakatakdang pangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng mga benepisyo para sa rebel returnees sa San Isidro, Leyte ngayong hapon.
Nagsagawa ng aerial inspection kahapon ng umaga si Pangulong Duterte upang malaman ang lawak ng pinsala nang pagsabog ng bulkan.
Ang eroplanong sinakyan nina Pangulong Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go mula sa Davao City ang unang lumapag sa NAIA mula nang kanselahin ang lahat ng domestic at international flights noong Linggo ng hapon bunsod nang pagputok ng bulkang Taal na nagdulot ng pagbagsak ng titis sa Batangas, Laguna, Cavite, Quezon, Rizal, Metro Manila, at Bulacan.
Nagbabala ang Palasyo sa mga negosyanteng magsasamantala sa sitwasyon na parurusahan at
inaatasan ang Department of Health na mamahagi ng face masks sa mga residenteng apektado ng ash fall.
(ROSE NOVENARIO)
MMDA NAGSUGO
NG CONTINGENT PARA
SA BATANGAS
NAGPADALA ng 30-kataong contingent ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang tugon sa panawagan ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas na magbigay ng agarang responde at tulong sa mga residenteng apektado ng pagputok ng bulkang Taal.
“Kasunod ng direktiba ni MMDA chairman Danilo Lim at general manager Jojo Garcia, nagpadala tayo ng team na binubuo ng 30 rescue and relief personnel para tumulong sa malawakang paglikas ng mga apektadong residente,” pahayag ni Michael Salalima, pinuno ng MMDA Public Safety Office at focal person ng Disaster Risk Reduction and Management.
Nagpadala rin ang MMDA ng tatlong military trucks, tatlong ambulansiya, dalawang fire trucks, 10 portable water purifiers, self-contained breathing apparatus, compressors at refiller.
Simula noong Linggo ay nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa Batangas at Cavite PDRRMO para sa mga kinakailangan kaugnay sa pag-alboroto ng Bulkang Taal.
Inaasahang darating ng Talisay sa Batangas ang team ng MMDA dakong 10:00 am.
(JAJA GARCIA)
SPD FULL ALERT
NASA full alert status ang Southern Police District (SPD) kaugnay pa rin sa pagputok at pag-aalboroto ng bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas, ito ang inihayag ni SDP district director, P/BGen, Nolasco Bathan.
Sa pahayag ni B/Gen. Bathan, kaugnay ng IMPLAN “SAKLOLO 2014” (policing during disaster), ipinag-utos niya ang activation ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) at ng Disaster Incident Management Task Group (DITMG) sa lahat ng tauhan ng SPD para sa mga posibleng deployment dahil ang SPD ang pinakamalapit na distrito mula sa mga apektadong lugar ng pagputok ng nasabing bulkan.
Pinaalalahanan din ng SPD director ang lahat ng nasasakupang pulis na gawin ang lahat ng safety measures o ibayong pag-iingat sa pagkakalantad mula sa mga titis na ibinubuga ng bulkang Taal. (JAJA GARCIA)