ITINAAS ng state volcanologists ang Alert Level 4 sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas kagabi, 12 Enero dahil sa pangambang maaaring sumabog ito ilang oras o araw mula sa unang pagbuga nito ng usok noong Linggo ng hapon.
Sa inilabas na bulletin dakong 7:30 pm noong Linggo, 12 Enero, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 4 ang aktibong bulkan na nangangahulugang posibleng malapit na itong sumabog.
Ayon sa Phivolcs, tumindi ang eruptive activity ng main crater ng Bulkang Taal na umabot ng 10 hanggang 15 kilometrong taas ng steam-laden tephra column na may panaka-nakang pagkidlat sanhi ng pag-ulan ng basing ashfall patungong hilaga na umabot hanggang lungsod ng Quezon.
Bukod dito, nakapagtala din ang ahensiya ng mga pagyanig mula sa bulkan simula 11:00 am, at dalawang paglindol mula sa bulkan na may mga lakas na magnitude 2.5 at 3.9 na naramdaman sa lungsod ng Tagaytay at bayan ng Alitagtag, Batangas sa lakas na Intensity III dakong 6:15 at 6:22 pm.
Nauna nang itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 2 dakong 2:30 pm noong Linggo dahil sa phreatic explosion o pagbuga nito ng usok na nangyayari kapag ang tubig sa ilalim ng lupa ay umiinit sanhi ng magma, lava, maiinit na bato, o mga bagong volcanic deposit.
Sinundan ito ng pagtataas sa Alert Level 3 dakong 4:00 pm na nangangahulugang may magmatic unrest na umabot nang isang kilometro ang taas ng abong ibinibuga nito.
Sa kanilang 8:00 pm bulletin, sinabi ng Phivolcs, kailangang gawin ang sapilitang paglilikas ng mga residente sa Taal Volcano Island, kasama ang iba pang lugar na may mataas na risk sa pyroclastic density currents at volcanic tsunami sa loob ng 14-kilometerong radius.
Ang buong Taal Volcano Island ay itinuturing na Permanent Danger Zone na libo-libong residente ang nagsilikas simula noong Linggo ng hapon.
Pinaalalahan ng Phivolcs ang mga lugar sa gawing hilaga ng Taal na maging mapagbantay sa epekto ng ashfall.
HATAW News Team
NOTAM
Samantala, pansamantalang sinuspende ang mga flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang maiwasan ng mga eroplano ang airspace sa paligid ng bulkan dahil sa mga abo at ballistic fragments mula sa pag-aalboroto nito na maaaring maging mapanganib sa sasakyang panghimpapawid.
Ipinakiusap ng airport authorities sa mga airlines na pansamantalang ipatigil ang mga flight mula at patungong Maynila dahil sa abong dala ng phreatic eruption ng bulkang Taal na bumalot sa NAIA.
Idineklara ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagsasara ng paliparan mula 7:00 pm hanggang 11:00 pm nitong Linggo dahil sa abong umabot sa Metro Manila.
Ang pansamantalang pagsasara ng paliparan ay mula sa Notice to Airmen (NOTAM) na inilabas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Kaugnay nito, ang mga sumusunod na PAL flight ay inilipat sa Clark: PR 721 London – Manila; PR 421 Haneda – Manila; PR 331 Xiamen – Manila.
Kasalukuyang naapektohan ng ashfall mula sa dulot ng phreatic eruption ng bulkang Taal ang mga rehiyon ng Calabarzon, NCR, at Central Luzon.
Ang mga sumusunod na lugar ang nasa talaan ng ashfall advisory: Cavite, Batangas, Rizal, hilagang kanluran ng Quezon, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, Tarlac, Nueva Ecija, silangang bahagi ng Pangasinan, timog silangang bahagi ng Zambales.
NO CLASSES
Kahapon din, nagdeklarang walang pasok ang mga paaralan sa Batangas, Cavite, Metro Manila at ilang lugar sa Region III.
PALASYO
NAKATUTOK
SA TAAL
ERUPTION
TINUTUTUKAN ng Palasyo ang pag-aalboroto ng Taal volcano, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Itinaas kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Level 4 ang Alert Status, ang ibig sabihin, tumataas ang tsansa ng pagsabog ng Taal volcano.
Ani Panelo, nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magsagawa ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga taong nakatira sa perimeter ng Taal.
“Concerned agencies of the national government are now working closely with the Provincial Government of Batangas to ensure the safety of the residents, including their evacuation,” dagdag ni Panelo.
Hinimok ng Palasyo ang publiko na manatiling alerto at mapagbantay.
(R. NOVENARIO)