HINIHINALANG pinatay muna saka isinakay sa kotse at sinilaban sa ibabaw ng isang tulay sa Tiaong, Quezon ang natagpuang tatlong bangkay, na ang isa ay pinaniniwalaang si dating congressman at naging Immigration commissioner Edgardo Mendoza.
Natagpuan ang sunog na kotse kahapon ng madaling araw, Huwebes, 9 Enero sa tulay ng San Francisco, sa Barangay San Francisco, Tiaong.
Ayon kay P/Maj. Lawrence Panganiban, hepe ng pulisya ng Tiaong, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag dakong 1:45 am na mayroong nasusunog na kotseng Honda Civic, may plakang DND 6374 sa isang tulay sa Barangay San Francisco simula pa 12:20 am.
Nagawang mailabas ng mga bombero ang tatlong bangkay matapos nilang maapula ang apoy sa nasusunog na sasakyan dakong 2:28 am.
Ayon sa awtoridad, nakakuha ang anak ni Mendoza ng isang maleta na puno ng mga dokumento at natagpuan din ang identification cards (ID) ng ama.
Agad silang nakipag-ugnayan sa mga kinauukulan sa lalawigan ng Batangas gayondin sa mga kamag-anak ng mga biktima.
Kinompirma ng pamilya ni Mendoza na pag-aari nga ng dating kongresista ang kotse at kasama niya ang kaniyang driver at bodyguard na kinilalang sina Ruel Ruiz at Nicanor Mendoza.
Anila, huli nilang nakitang buhay ang ama nang dumaan sa bahay ng isang anak sa Lipa para roon mananghalian.
Sinabi umano nito na mayroon silang kikitain sa Calamba, Laguna.
Samantala, sinabi ng pulisya, dahil halos abo na ang mga bangkay at hindi makilala, hihintayin nila ang pinal na resulta ng imbestigasyon na inaasahang tiyak na tutukoy sa pagkakakilanlan ng dalawang sunog na bangkay.
Samantala, sasama ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga magsasagawa ng imbestigasyon sa kotseng pinaniwalaang sinunog na kinatagpuan ng tatlong bangkay.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, uutusan niya ang NBI na tumulong sa imbestigasyong gagawin ng PNP upang mabilis na matukoy kung sino ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen.
Ani Guevarra, “The NBI’s forensic experts will also be of great help in identifying the victims.”
ni Karla Orozco
HUSTISYA
KAY MENDOZA
et al TINIYAK
NG PALASYO
INIYAK ng Palasyo na mabibigyan ng hustisya ang pagpaslang kay dating Batangas Rep. Edgar Mendoza.
Batay sa ulat, natagpuan ang bangkay ni Mendoza at ng dalawang hindi kilalang lalaki sa loob ng sinunog na sasakyan sa Tiaong, Quezon.
“The perpetrators of this heinous crime will be pursued till they are placed behind bars. We assure the bereaved family of the deceased that justice will be accorded by prosecuting the people behind this dastardly crime to the fullest extent of the law,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Nagpaabot ng pakikiramay si Panelo sa mga naiwang pamilya, kaibigan at mahal sa buhay ng dating mambabatas.
(ROSE NOVENARIO)