‘UMIIYAK’ na ang mga vendor sa paligid ng Quaipo church dahil sa ginagawang clearing operations para sa paghahanda ng Traslacion 2020 sa Enero 9.
Bagamat nakapuwesto pa sila sa mga gilid-gilid, daing nila, ang hirap ng kanilang sitwasyon dahil halos wala na silang pagkakataong makapagtinda at kumita nang maayos ‘di tulad sa mga nagdaang panahon.
Reklamo ng ilang tinder, maaari aniya silang paalisin ngunit huwag muna ngayon dahil ilang araw pa naman aniya bago ang Kapistahan ng Quiapo.
Patuloy ang kompiskasyon ng mga pulis sa mga paninda ng vendors gayondin ang pagroronda ng ilang awtoridad na nagbabantay sa paligid ng simbahan.
Puspusan ang pagkukumpuni, pag-aayos at pagpipintura sa mga concrete barrier sa mga daraanang tulay sa ruta ng Traslacion upang matiyak na ligtas ang seguridad ng mga mamamayan at mga deboto.
Marami na rin ang nagtitinda ng mga T-shirt na may nakatatak na mukha ni Hesus at iba pang religious items at memorabilia o souvenirs na tinatangkilik ng mga deboto tuwing Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.