PINANGUNAHAN ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang pag-iisang dibdib ng isang lalaking may colon cancer at kaniyang kasintahang 10 taon nang nagsasama nitong Sabado ng umaga, 21 Disyembre.
Dakong 10:00 am nang puntahan ni Teodoro ang kanilang maliit na tirahan sa No. 35 Singkamas St., sa Bgy. Tumana upang matupad ang pangarap ng 47-anyos na si Darwin Ballerdo na pakasalan ang kanyang kasintahan na si Heidi Duron, 50 anyos.
Ang dalawa ay 10 taon nang nagsasama at biniyayaan ng isang anak na si Trixie, Grade 3, umiiyak sa tuwa habang nagbibigay ng inspirational message ang alkalde.
Sa isang pusong pagpapalit ng mga panata, si Darwin ay nakaupo sa kanyang upuang nagsilbing kanyang kama na may dextrose sa kaliwang kamay habang si Heidi ay hinahawakan ang isang kamay at nangangako sa kanyang nobyo na sa sakit at sa kalusugan, sa hirap at ginhawa, magsasama sila hanggang kamatayan.
Maramdaming pahayag ni Darwin, “Dadamayan kita kahit anong mangyari. Nandito lang kami lagi. Salamat, Mamu. Dahil kahit na hirap na hirap ako nandiyan ka sa tabi ko. Salamat sa lahat ng tulong mo sa akin. Sana maka-survive ako, sana madagdagan pa nang marami ‘yung birthday ko, ‘yung buhay ko. Gusto ko pang gampanan lahat ng gusto ko, obligasyon sa aking pamilya, sa anak ko, sa yo (Heidi), sa magulang ko, kapatid ko. Nagpapasamalat ako kay Mayor at nandito po siya.”
Ayon kay Darwin, matagal na niyang gustong makasal sila ng kinakasamang si Heidi saka nangako sa anak na lalaban upang humaba pa ang kaniyang buhay.
“Tulad ng singsing, may simula at hangganan ba? Wala. Ganyan ‘yung pag-ibig na mayroon tayo sa isa’t isa, walang hangganan. Maaring ang isa sa inyo ay mawala man, pero di mawawala ang pag ibig ninyo,” wika ni Mayor Teodoro.
“Itong pagkakataon na ito ay puwedeng mawala na o bukas ay tapos na, pero ‘yung alaala hindi mawawala, mananatili ito sa isipan ng inyong anak sa puso, damdamin sa alaala ng inyong kapitbahay.
Kayo ay magandang halimbawa ng pag ibig na mayroon sa isa’t isa na kahit kamatayan ay hindi kayo mapaghihiwalay,” dagdag na pahayag ni Mayor.
Napag-alaman na si Darwin ay isang mananahi at namatay ang unang asawa bago nakilala si Heide at nagsama nang 10 taon.
Sa ngayon, si Darwin ay bedridden na nagdurusa sa kanyang sakit na colon cancer.
(EDWIN MORENO)