SUMINGAW ang iregularidad sa proseso ng bagong Technical Working Group para sa motorcycle taxi na naging daan sa pagpapalabas ng kautusan na nagtatanggal sa trabaho sa 17,000 Angkas drivers simula ngayong Kapaskuhan.
Mariing kinondena kahapon ni George Royeca, Chief Transport Advocate ng Angkas, ang umano’y hindi patas at hindi makatarungang ruling na nilagdaan ng bagong Technical Working Group (TWG) head na si retired General Antonio Gardiola dahil taliwas umano ito sa sinasabing pagsusulong ng kompetisyon.
“Hindi ito pagsusulong ng kompetisyon. Sa katunayan, ito ay anti-competition upang puwersahin ang ating bikers na umalis sa Angkas. Hindi rin ito isang uri ng regulasyon, kundi korupsiyon,” matapang na pahayag ni Royeca.
Sa bagong rekomendasyon ng bagong TWG, matatanggal sa trabaho ang 17,000 Angkas bikers dahil sa inilabas na 10,000 cap bawat motorcycle taxi company, kabilang ang ANGKAS.
Inisa-isa rin ni Royeca ang umano’y kawalan ng transparency sa naging proseso ng bagong TWG, kabilang ang umano’y pagtanggal sa orihinal na miyembro ng TWG na kinabibilangan ng civil society members, transport experts at advocates, Highway Patrol Group, MMDA at maging Senado at Kongreso.
Imbes ang bagong TWG ay binubuo na lamang ngayon ng mga ahensiyang pawang nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
“Sa pagpasok sa pilot run na ito, ang Angkas ay may 27,000 bikers na matapat na naglilingkod sa publiko simula pa noong 2017. Sila ay mga beterano, magagaling na bayaning matagal n’yo nang pinagkakatiwalaang itawid kayo sa pang-araw-araw na prehuwisyo ng buhol-buhol at masikip na traffic,” ani Royeca.
Dahil kulang pa rin ang 27,000 upang matumbasan ang malaking pangangailangan ng mga commuter, nauna nang humiling ang Angkas na payagan silang magdagdag ng trained bikers ngunit imbes ito ang mangyari ay mababawasan pa sila ng 17,000 bikers sa ipinalabas na LTFRB ruling.
Dahil dito, sinabi ni Royeca na hindi lamang nalagay sa alanganin ang kalidad ng serbisyo na kanilang ipinagkakaloob, naging malabo rin ang kinabukasan ng 17,000 pamilya ng mga matatanggal na bikers.
“Pabigat nang pabigat ang trapiko araw-araw at parami nang parami ang commuter na kailangan namin paglingkuran. Kaya, bakit kailangang bawasan at tanggalan ng trabaho ang mga bikers natin?” pansin ni Royeca.
“Bakit kailangan parusahan ang bikers na nakapag-training at napatunayan na ang galing sa daan?” emosyonal na pahayag ni Royeca.
Ayon kay Royeca, halatang minadali ang desisyong ito ni Gardiola at ng LTFRB.
“Ilang taon ang ginuguol ng Angkas upang ma-develop ang aming backend at platform at upang mahigpit na sanayin ang ating bikers ngunit ang bagong TWG ay nagbigay lamang ng tatlong buwang pribilehiyo sa bagong players at agad na pinapapasok, himutok ni Royeca.
Hindi rin umano transparent ang decision-making process ng bagong TWG.
“Bakit palihim? Bakit may mga secret meeting? May mga itinatago ba kayo?” dagdag niya.
Nauna rito, bumuhos sa daan kahapon ang may 30,000 Angkas bikers, transport and safety advocates at maging mga apektadong commuter upang mag-protesta sa bagong kautusan ng LTFRB.
Nauna nang kinuwestiyon ni Senador Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services, ang kakulangan ng transparency sa proseso ng TWG at LTFRB.
“Nais nating malaman ang mga pamantayan at parametro na ginamit ng TWG sa kanilang pagpapasya,” pahayag ni Poe.
“Ano ang batayan ng 30,000 bikers cap para sa Metro Manila at 9,000 para sa Cebu, na hahatiin nang pantay-pantay sa tatlong operator? Paano ang kasalukuyang bikers na lagpas sa alokasyon ng kanilang kompaniya?” dagdag ng Senadora.
Sinabi ni Sen. Ralph Recto na bagamat maganda ang kompetisyon, hindi ito dapat makasagasa sa mga taong matapat na naninilibihan sa nasabing industriya.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, magpapatawag siya ng pagdinig upang maimbestigahan ang mga isiniwalat na iregularidad.
Idinaan sa social media ng commuters ang kanilang himutok sa LTFRB dahil sa pagbabawas sa bilang ng Angkas bikers. Naging worldwide trending topic ang #SaveAngkas noong Sabado, patunay kung gaano karaming commuters ang maaapektohan ng bagong LTFRB ruling.