Saturday , November 16 2024

Sa 2009 Ampatuan massacre… 8 Ampatuans, 20 pa kulong habambuhay

RECLUSION perpetua ang ipinataw na parusa batay sa hatol ng Quezon City Regional Trial Court sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan kabilang sina Datu Andal, Jr., at Zaldy na napatunayang “guilty beyond reasonable doubt” sa pagpaslang 57 katao kaugnay ng naganap na Ampatuan massacre noong 2009.

Bukod kina Andal, Jr., at Zaldy Ampatuan na dating gobernador ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM), pinatawan rin ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC RTCh Branch 221 ng hatol na reclusion perpetua sina Anwar Ampatuan, Sr., Anwar “Ipi” Ampatuan Jr., Anwar Sajid “Ulo” Ampatuan, Manny Ampatuan, Mohades Ampatuan, at Misuari Ampatuan.

Ang ‘reclusion per­petua’ ay permanenteng pagkakakulong hanggang 40 taon na walang pardon o parole. Nasa 20 pang akusado ang hinatulang guilty.

Kasama rito sina P/Insp. Saudi Mokamad, PO1 Jonathan Engid, Abedin Alamada, alyas Kumander Bedi, Talembo “Tammy” Masukat, Theng Sali, alyas Abdul­lah Hamad Abdullaka­har, Nasser Esmael, alyas Nasrudin Esmael, P/CInsp. Sukarno Dicay, P/Supt. Abusama Mundas Maguid, P/Supt. Bah­narin Kamaong, Tato Tampogao, Mohamad Datumanong, Taya Bang­kulat, Salik Bang­kulat, Thong Guiamano, Sonny Pindi, Armando Ambalgan, Kudza Masukat Uguia, Edres Kasan, Zacaria Akil, at Samaon Andatuan.

Sa 761-pahinang de­sisyon ni Judge Solis-Reyes, inatasan niya na bayaran ng milyon-mil­yong halaga ang pamilya ng bawat biktima ng masaker maliban sa photojournalist na si Reyanldo Momay, ang sinasabing ika-58 biktima, na hindi natagpuan ang bangkay.

Sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamil­ya Momay, agad silang aapela sa korte upang muling marinig ang kanilang mga argu­mento.

Umabot sa 15 katao ang natagpuang guilty bilang ‘accessory’ sa krimen at hinatulan ng ‘prision correccional’ o hanggang 10 taon pagka­ka­kulong.

Kabilang dito sina Michael P/Insp. Joy Macaraeg, PO3 Felix Enate, PO3 Abidudin Abdulgani, PO3 Rasid Anton, PO2 Hamad Nana, PO2 Saudi Pasu­tan, PO2 Saudiar Ulah, PO1 Esprielito Lejarso, PO1 Narkouk Mascud, PO1 Pia Kamidon, PO1 Esmael Guialal, PO1 Arnulfo Soriano, PO1 Herich Amaba, P/Supt Abdulgapor Abad, at Bong Andal.

Sinabi ni Judge Solis-Reyes, isasama niya sa kaniyang hatol na agad mailipat ang mga hina­tulang nagkasala sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

May 53 akusado sa kaso ang pinawalang-sala ng korte kabilang sina Datu Akmad “Tato” Ampatuan at Datu Sajid Islam Ampatuan. Unang nakalaya si Datu Sajid makaraang maghain ng higit P11 milyong piyansa at kasalukuyan nang alkalde ng bayan ng Shariff Saydona Musta­pha sa Maguindanao.

Naibaba ang hatol makaraan ang 10 taon matapos ang karumal-dumal na masaker noong 23 Nobyembre 2009 na pinaslang ang 58 tao kabilang ang 32 mama­mahayag sa Sitio Masalay sa bayan ng Ampatuan, sa Maguindanao.

Matapos pagba­bari­lin, tinabunan ng lupa, gamit ang pay­loader at backhoe, ang mga bangkay upang maitago ang krimen.

Nagpahayag ang mga abogado ng mga akusa­dong nahatulan na aapela sila sa korte sa loob ng 15 araw na itinakda ng hukuman.

Hindi pa ganap ang katarungan dahil maaari pang iapela ang hatol hanggang sa Korte Suprema.

Samantala, pasado 3:00 pm kahapon dinala sa New Bilibid Prison (NBP) ang mga nahatu­lan sa Ampatuan mas­sacre pero pa detalyado kung saan sila ilalagay.

Nagpatupad din ng tigil dalaw ang NBP kahapon dahil sa mahig­pit na seguridad na ipinatupad sa NBP.

nina ALMAR DANGUILAN/JAJA GARCIA

Sa Ampatuan
massacre
PALASYO
KONTENTO
SA HATOL

IGINAGALANG ng Palasyo ang naging hatol ng korte kaugnay ng Maguindanao massacre.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, nagdesisyon ang hukuman na nagbase aniya sa mga iniharap na ebidensiya kapwa ng depensa at prosekusyon.

Sinabi ni Panelo, kung may mga hindi sang-ayon sa naging hatol ng korte, maaari naman itong iapela at bahala na rito ang Korte Suprema.

Ang mahalaga sa ngayon, ayon kay Panelo ay nanaig ang rule of law at ang madilim na pang­yayaring idinulot sa ka­say­sayan ng  bansa ng Maguindanao massacre ay hindi na dapat pang maulit.

Kaugnay nito, pinuri ng Malakanyang ang ilang executive officials na nag­karoon ng partisi­pasyon sa kaso, mga prosecutors at iba pa na aniyay tumin­dig upang ipagla­ban ang karapatang pan­tao.

(ROSE NOVENARIO)

KORTE PINURI NI SEN. POE
SA AMPATUAN MASSACRE

MATAPOS ang 10 taong paghihintay, nakamit ng pamilya ng mga biktima (ng Ampatuan massacre) at ng sambayanang Filipi­no ang hustisya sa pau­nang tagumpay nito.

Ipinayag ito ng tanggapan ni Senator Grace Poe kaugnay ng hatol ni Quezon City (RTC), Branch 221 Jocelyn Solis-Reyes, na patawan ng parusang reclusion perpetua  sina dating Maguindanao Mayor Datu Andal Ampatuan Jr.; dating Autonomous Region in Muslim Minda­nao (ARMM) Governor Datu Rizaldy “Zaldy Puti” U. Ampatuan; Datu Anwar Ampatuan; Datu Ulo Ampatuan; Datu”Ipi Ampatuan. at P/Maj. Sukarno Dicay.

“Pinupuri natin ang korte sa pagpanig sa katotohanan. Hinaha­ngaan natin ang pro­secution team at mga testigo sa kanilang dedikasyon at tapang.

“Nagpupugay din tayo sa pamilya ng mga biktima at mga taong nagbigay ng suporta habang dinidinig ang kaso.

“Patunay ang desi­syon na lahat ng umaa­buso sa kapangyarihan ay hindi makatatakas sa batas.

“Patuloy tayong magbantay hanggang sa makamit ang ganap na hustisya sa kasong ito,” pahayag Poe.

(CYNTHIA MARTIN)

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *