NASABAT ng mga operatiba ng PDEA-NCR ang aabot sa P3.4 milyong halaga ng shabu sa buy bust operation sa Rizal Park, Maynila, Lunes ng hapon.
Ayon kay PDEA-NCR Regional Director Joel Plaza, timbog sa operasyon ang dalawang high-value targets na kinilalang sina Nasmudin Zacaria, 28 anyos; at Saudi Kayog, 24 anyos.
Nakatanggap ng mga ulat ang PDEA ukol sa pagbebenta ng dalawa ng droga sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kaya agad nagkasa ng operasyon laban sa mga suspek.
Positibong nabilhan ng shabu ng PDEA agent na nagpanggap na poseur buyer ang dalawa sa harap mismo ng Quirino Grandstand.
Agad inaresto ang mga suspek na nakuhaan ng limang piraso ng plastic packs ng hinihinalang shabu na may bigat na 500 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P3.4 milyon.
Sa kulungan magdiriwang ng Pasko ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
3 TULAK NASAKOTE
NG QCPD, PDEA
SA P136K SHABU
TATLONG drug pusher ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraan makompiskahan ng P136,000 halaga ng shabu sa Brgy. Bahay Toro ng lungsod nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat kay QCPD Brig Gen. Ronnie Montejo, nadakip sina Renato Mallari, alyas Batchoy, 47 anyos, ng Brgy. Bahay Toro; Jenalyn Mallari, alyas Barbie, 27, ng Brgy. Tandang Sora; at Felicidad Colis, 44, ng Brgy. Duyan Duyan.
Nadakip ang tatlo nang bentahan ng halagang P9,500 shabu ang pulis na nagpanggap na buyer dakong 7:00 pm, nitong 16 Disyembre 2019 sa No. 92 Sinagtala, Begy. Bahay Toro.
Nakuha sa tatlo ang karagdagang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000.
(ALMAR DANGUILAN)
Drug den nalansag
P170K SHABU
KOMPISKASO
5 ARESTADO
SWAK sa kulungan ang hinihinalang drug personalities kabilang ang tatlong babae sa isinagawang buy bust operation ng mga pulis na nagresulta sa pagkakalansag sa sinasabing drug den sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) P/Capt. Ramon Aquiantan, Jr., ang mga naarestong suspek na siina Katherine Sunga, alyas Ning, 28 anyos; Kazuyoshi Tanaka, alyas B1, 19 anyos, Japino; Rosemarie Carpio, 39 anyos; Salvacion Balaor, 51 anyos; at Sonny Roberto, 29 anyos, pawang residente sa BMBA La Loma Compd., 1st Avenue, Brgy. 120, Zone 10 ng nasabing lungsod .
Batay sa ulat na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ronaldo Ylagan, dakong 10:30 am nang ikasa ng mga operatiba ng DDEU-NPD sa pangunguna ni Aquiatan sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao ang buy bust operations laban sa mga suspek sa BMBA La Loma Compd., 1st Avenue, Brgy. 120.
Matapos iabot ng isa sa mga suspek ang isang sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P15,000 boodle at buy bust money kabilang ang P1,000 bill ay agad dinamba silang ng mga operatiba.
Naaktohan sa loob ng bahay na sinasabing ginagawang drug den ang iba pang mga suspek na sumisinghot ng shabu.
Ayon kay DDEU investigator P/Cpl. Jezell Delos Santos, nakompiska sa mga suspek ang 25 gramo ng shabu na may standard drug price P170,000, buy bust money at drug paraphernalia.
(ROMMEL SALES)