may maagang regalo ang iWant ngayong holiday season dahil mapapanood na ng libre ang mga Pinoy movie sa streaming service.
Sampung iba-ibang pelikula kada linggo ang maaaring i-stream ng iWant users hanggang Enero 5, 2020. Matatandaang inilunsad bilang bagong streaming platform ito noong Nobyembre 2018.
At base sa huling narinig namin, umabot na sa mahigit 30-M ang subscriber ng iWant dahil halos kada dalawang linggo ay may mga bago silang series/pelikulang napapanood.
Simula nitong Disyembre 2-8 ay napanood ang Can’t Help Falling In Love, The Ghost Bride, Bloody Crayons, Siargao, Meet Me in St. Gallen, This Time, The Debutantes, Ang Pambansang Thirdwheel, Da One that Ghost away, Mano Po 7, at Chinoy.
Kasama ring mapapanood ang Miss Universe 2020 at Sea Games na hindi napanood sa regular screening.
Bukod sa mga ito, mapapanood din sa iWant ang original movie at series na Manillenials, seryeng tungkol sa masaya at masalimuot na buhay ng limang millennials.
Magtatambal naman sina Yam Concepcion at Joseph Marco sa original series na Uncoupling. Dapat ding abangan ang Pet Rangers, unang animated original series para sa mga bata.
Katuwang din ng iWant ang iba’t ibang creators, producers, at direktor sa paggawa ng mga original na pelikula at serye na eksklusibong napapanood dito kabilang na ang mga viral romance na Glorious, Bagman, Ang Babae sa Septic Tank 3, Call Me Tita, at MOMOL-Nights.
Speaking of Bagman 2 ay napanood namin nitong Sabado ng madaling araw ang last drop na episodes 7 at 8 at talagang bitin na bitin kami sa totoo lang.
Tulad nga ng sinabi namin sa promo manager ng Dreamscape Digital na si Billet Sanggalang na hindi ba puwedeng isunod nilang gawin kaagad ang season 3 dahil nakabibitin naman ang 2.
Maraming aral ang kapupulutan sa Bagman na wala kang dapat pagkatiwalaan kundi ang sarili mo lang dahil lahat ng taong dumidikit o kunwari nagsasabing loyal ay may vested interest at kung kanino sila makikinabang ay naroon ‘kuno’ ang loyalty nila, pero sa huli, susuwagin ka rin, parang ahas lang, tutuklawin ka sa huli matapos alagaan at pakainin. Hindi nalalayo sa showbiz ang kuwento ng karakter ni Arjo Atayde bilang si Benjo Malaya.
Balik sa pagiging barbero si Benjo habang nakakulong, abangan kung ano ang next niyang ‘da moves sa season 3.
(Reggee Bonoan)