UMABOT sa 1,464 sunog o 50% ng 2,887 ng naitalang sunog sa Iloilo City ay sanhi ng electric poles ng distribution utility na Panay Electric Company (PECO), ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Inamin ito ng BFP sa kanilang ulat sa Energy Regulatory Commission (ERC) na kalahati ng mga naitatalang sunog sa Iloilo City ay sanhi ng electric poles ng PECO.
Isinumite ng BFP ang datos sa ERC, kasunod ng panibagong serye ng sunog sa mga poste ng PECO na naitala noong 19 hanggang 21 Oktubre na una nang inireklamo sa ahensiya at kasalukuyang iniimbestigahan.
Ayon sa BFP, hindi nasosolusyonan ang problema sa pagkasunog ng mga poste ng PECO sa nakalipas na limang taon dahil wala umanong trained na technical personnel ang kompanya para agad makapagsagawa ng trouble shoot sakaling may aberya sa mga poste.
Lumilitaw umano na ang tanging nangangasiwa rito ay mga personnel na ang gawain ay mag-monitor at magdokumento ng mga kaso.
Sa report sa ERC, inamin ni Iloilo City Fire Marshall Chief Inspector Christopher Regencia, bulto ng kanilang resources para sa sunog ay napupunta sa PECO dahil sa mga aberya.
Hindi umano gaya sa Cagayan de Oro na ang distribution utility ay may sariling fire prevention and containment unit na nakatutok sa pole fires.
Bilang depensa, sinabi ng PECO na kailangan magkaroon muna ng final technical assessment para matukoy kung sila talaga ang pinagmumulan ng sunog sa electric poles gayong may iba pang mga kable ang nakadikit sa mga poste gaya ng telecommunications at cable TV companies.
Gayonpaman kinontra ito ni Regencia sa pagsasabing mas matitibay ang mga kable ng telecoms at cable TV na nasa 24 volt charge kompara sa 220 voltage charge na gamit ng PECO.
Batay sa rekord ng BFP na isinumite sa ERC, noong 2014 ay 224 ang pole fires sa 427 sunog na naitala sa Iloilo; noong 2015 ay 228 ang pole fires; 303 pole fires noong 2016; 275 sunog noong 2017; at 233 noong 2018.
Ngayong Enero hanggang Oktubre 2019 ay 201 ang naitalang pole fires.
Sinabi ng BFP, sa kanilang imbestigasyon ay lumilitaw na “short circuit secondary service lines” o sa madaling salita ay mga exposed electricity wires ang pinagmulan ng sunog gayondin ang pagkakaroon ng mga jumper.
Ang magkakasunod na sunog sa mga poste noong nakaraang buwan ang nag-udyok sa lokal na pamahalaan ng Iloilo City na ireklamo ang kompanya sa Malacañang at sa ERC.
Ang PECO ay nag-o-operate na lamang sa ilalim ng provisional authority na inisyu ng ERC dahil hindi nabigyan ng legislative franchise ng Kongreso.
Binibigyan ng ERC ang PECO nang dalawang taon para mailipat ang lahat ng kanilang distribution assets sa bagong distibution utility na More Power and Electric Corp. (MEPC) na ginawaran ng prangkisa ng Kongreso matapos ang naiulat na kapalpakan ng PECO sa kanilang serbisyo.
HATAW News Team