HINILING kahapon ng isang manggagawang nagde-deliver ng mga feeds para sa mga manok sa Hermosa, Bataan, sa pamamagitan ng kanyang abogado, ang agarang suspensiyon ng kapitan ng barangay at ng ilan pang opisyal ng konseho sa Barangay Bacong, batay sa akusasyon na pinaboran nila ang isang negosyante sa nasabing bayan.
Ang kahilingan ay ginawa ni Gecel Pineda Alba, batay sa mga reklamong kriminal at administratibo na inihain niya sa Office of the Ombudsman kahapon, 14 Nobyembre, sa tulong ng mga abogadong kasapi ng Lawyers in the LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility and Truth), na pinamumunuan ni Atty. Melanio Mauricio Jr., mas kilala sa tawag na Atty. Batas.
Ang mga barangay officials na ipinasususpende ni Alba sa kanyang kaso ay sina Bgy. Bacong, Hermosa, Bataan barangay captain Enrique Diwa, barangay councilwoman Geraly Israel, barangay secretary Federico Bambasi Jr., at Lupon chairman Oscar Martin.
Kasama sa reklamo sa Ombudsman, ang negosyanteng si Benny Bellodo, may-ari ng Queen B Farm sa Hermosa, Bataan, pero dahil pribado siyang tao, hindi siya maaaring masuspende.
Ayon kay Alba, noong 27 Oktubre 2019, matapos siyang tadyakan, pagbantaan, at alipustain ni Bellodo sa kanyang Queen B Farm sa Hermosa, Bataan, nagpa-blotter siya sa tanggapan ng Bgy. Bacong, Hermosa, Bataan.
Kabilang sa kasong isinampa ni Alba laban kay Bellodo sa barangay ang pagtadyak sa likod ng biktima, ang pagkapahiya sa harap ng ibang tao, at ang pagbabanta sa kanyang buhay na ‘babarilin’ sa susunod na dumaan sa kanyang farm.
Ani Alba, nagkaroon ng tatlong paghaharap sa loob ng barangay ngunit hindi sila nagkaayos ni Bellodo.
Hindi rin humarap si Kapitan Diwa upang mamagitan sa nasabing usapin.
Minabuti ni Alba na humingi ng kopya ng reklamo sa barangay upang maisampa ang kaso sa hukuman, pero tumangging magbigay ang mga opisyal.
Kinailangan pa umano ng mga taong tututulong kay Alba para makipag-usap sa mga opisyal ng barangay upang maibigay sa kanya ang kopya ng blotter na gagamiting ebidensiya sa paghahain ng reklamo sa husgado.
Gusto rin ng barangay na patagalin pa ang pandinig at tumangging pagsalitain ang mga testigo, gaya ni Maribil Matilla at Lian Nicolas nang walang sapat na dahilan.
Hindi man lamang namagitan ang barangay nang murahin ni Bellodo ang isa sa testigong si Matilla, at itinanggi umanong may pagmumura silang narinig.
Hiniling ni Atty. Batas sa tanggapan ng Ombudsman ang agarang imbestigasyon sa mga kasong inilahad at agarang suspensiyon ng nasabing barangay officials upang hindi sila makakilos upang ‘ayusin’ ang mga dokumento at ang mga testigo.