WALANG nagawa ang kolumnistang si Ramon Tulfo kundi ang maghain ng piyansa para sa kasong libel at cyber libel na isinampa laban sa kanya ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Sa order noong 8 Nobyembre 2019, pirmado ni Manila Regional Trial Court Branch 12 Judge Renato Enciso, naglagak ng piyansang P60,000 si Tulfo upang maiwasang makulong habang dinidinig ang kaso.
Sa nasabing order, iniutos din ni Judge Enciso ang pagbawi sa warrant of arrest na inilabas laban kay Tulfo at itinakda ang arraignment o pagsasakdal sa 26 Nobyembre, dakong 8:30 am.
Nauna rito, nagsampa ng kaso si Medialdea laban kay Tulfo sa serye ng kolum na inilabas sa The Manila Times na umano’y nakasira sa kanyang malinis na pangalan.
Isa sa mga kolumn na ito ang inilabas noong 20 Hulyo, may titulong, “There goes Cayetano as House Speaker, also Medialdea.”
Sa nasabing kolum, inakusahan ni Tulfo ang executive secretary na naglabas ng memorandum na wala umanong kaalam-alam ang pangulo, upang atasan ang lahat ng government agencies at government-owned and-controlled corporations na suportahan ang kontrobersiyal na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation.
At sa kanyang kolum noong 25 Hulyo, inakusahan ni Tulfo si Medialdea na inupuan nang isang taon ang apela ng isang Felicito Mejorada sa claims nito sa P272.02 milyong government reward money.
Sinabi ni Mejorada, nagbigay siya ng tip sa pamahalaan na nagdulot umanong masawata ang planong smuggling sa Mariveles, Bataan noong 1997.
Sa kolum noong 26 Hulyo, inakusahang muli ni Tulfo ang executive secretary na nasa likod umano ng isang Vianney D. Garol na humingi ng P72 milyon mula kay Mejorada bago maibigay ang reward money.
Tahasang itinanggi ni Medialdea ang mga akusasyon at sinabing wala siyang inilabas na memorandum na nagpapabor sa PHISGOC, at sinabing ang apela ni Mejorada ay naaksiyonan sa loob ng tatlong buwan.
Itinanggi rin ng executive secretary na kakilala niya si Garol, na ayon sa rekord, ay isang project development officer II sa ilalim ng Office of External Affairs-Davao noong 1 Agosto 2005.
Si Garol ay hindi na umano empleyado simula pa noong 31 Disyembre 2005.
Kinakaharap din ni Tulfo ang kasong libel at cyber libel mula sa ibang government officials na kinabibilangan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar Dulay, at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ayon kay Dulay, foul ang sinabi ni Tulfo sa kanyang kolum sa The Manila Times na inakusahan siyang mayroong “skeletons in the closet at the graft-ridden agency.”
Pinalabas pa umano na siya ay “insatiable greedy extortionist, a cheat and a corrupt official in Digong’s government.”
Inakusahan din siyang may kinalaman sa ‘compromised’ payment ng P65 milyon imbes “huge delinquent tax amounting to P8.7 billion” mula sa Del Monte company.
Ayon naman kay Aguirre, ang isinulat ni Tulfo ay “malicious, libelous and defamatory.”
Inilabas niya ito sa Facebook posts kontra sa dating justice secretary noong Abril, Hunyo at Hulyo.
Ang mga kolum, ayon kay Aguirre ay nagpapahiwatig na siya ay protektor ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at pinalalabas na siya ay tumanggap ng pera mula sa mga nasabing sindikato.