NASAKOTE ang tinaguriang top 1 most wanted sa lungsod at nakuha rin ang higit P300,000 halaga ng ilegal na shabu nitong Martes ng gabi, sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng Parañaque city police.
Kinilala ng pulisya ang inarestong suspek na si Rock Daniel Diocareza, alyas Loloy, 38, walang trabaho, residente sa Tramo St., Irasan Creekside, Barangay San Dionisio.
Base sa report ng Parañaque City Police, si Diocareza ay itinuturing na high-value target (HVT) sa ilalaim ng kampanya laban sa ilegal na droga at wanted rin sa walong “focus crime” sa lungsod.
Sa ulat, nagkasa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni P/Maj. Anthony Alising sa Tramo Uno St., Barangay San Dionisio hanggang matagumpay na makabili ng ilegal na droga ang pulis na nagpanggap na buyer dakong 10:45 pm.
Nang aabutin na ng suspek ang marked money, dito hinuli ng mga pulis ang suspek na hindi na nakapalag.
Nakuha mula sa suspek ang isang medium size plastic sachet na naglalaman ng shabu na ibinenta niya sa buyer habang natuklasan ang 21 plastic sachet sa dala niyang itim na sling bag, may street value na P374,000.
Nakuha rin ang limang bala ng kalibre .45 baril, isang timbangan, isang motorsiklo at P500 marked money bilang ebidensiya
Nakapiit sa detention cell ng Parañaque city police si Diocareza na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Ammunitions.
(JAJA GRACIA)
4 drug pusher huli sa P54K shabu
INARESTO ang apat na drug pusher matapos makompiskahan ng shabu sa buy bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ni Acting Quezon City Police District (QCPD) director P/Col. Ronnie Montejo ang mga naaresto na sina Renato Sabino, 35; Russel Santillan, 30; Kimberly Simeon, 27, pawang residente sa Caloocan City; at Mirasol Armea, 25, ng Brgy. Unang Sigaw, Balintawak.
Sa ulat ni Novaliches Police Station (PS4) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Rossel Cejas, ang mga suspek ay nadakip dakong 5:00 pm nitong 12 Nobyembre sa Quirino Highway corner M. Pascual St., Brgy. Baesa, QC.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa talamak na pagbebenta ng mga suspek ng ilegal na droga kaya agad isinailalim sa ‘surveillance’ at nang magpositibo, ikinasa ang buy bust laban sa kanila.
Nakompiska sa mga suspek ang tatlong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P54,400, buy bust money, 2 cellular phones at tricycle na may markang EBB TODA na ginamit sa paged-deliver ng ilegal na droga.
Samantala, sa patuloy na operasyon ng QCPD, 17 pang drug suspects ang nabitbit na kinilalang sina Armando Avila, 30; Ramy Escanilla, 42; Walter Tomelden, 40; Rachelle Romualdo, 33; Christian Angelo Moreno, 26; Marjorie Veloso, 18; Orlando Areñola, 44; Unicio Quiñahan, 52; Joel Dabalos, 43; Liza Masucol, 48; Joan Medina, 28; isang 17-anyos binatilyo; Jeric Dela Cruz, 35; Armando Cales, 34; Ludovico Lagda, 18; Manolito Leonardo, 53; at Alvin Sunga, 47.
Ang mga nadakip ay kasalukuyang nakapiit sa QCPD headquarters habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang menor de edad ay inilipat sa QC-Social Services Development Department (SSDD). (ALMAR DANGUILAN)