MARIING kinondena ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang bandalismo sa ilang underpass sa Maynila na naunang nilinis at pininturahan ng mga tauhan ng city hall.
Ito’y matapos mag-viral sa social media ang larawan ng bandalismo na sinasabing kagagawan ng mga miyembro ng grupong Anakbayan.
Ayon sa Manila Tourism & Cultural Affairs Bureau (MTCAB), nakalulungkot na sa ganitong paraan ipinararating ng mga militanteng grupo ang kanilang hinaing.
“Ang lahat ng ito ay pinaghirapan na isaayos at pagandahin sa pagtutulungan ng bawat indibiduwal na maibalik ang ganda at sigla ng Maynila,” ayon sa MTCAB.
“Hindi bandalismo ang sagot sa pagbabago. Disiplina at pag-unawa ang ating kailangan tungo sa mas maunlad na Maynila.”
Agad itong nilinis at muling pininturahan ng Manila Department of Engineering and Public Works.
Kinompirma ni Al Omaga, media liaison officer ng Anakbayan, na ang kanilang art group na Panday Sining ang may gawa ng pagpipintura sa ilang lugar sa Maynila.
Pero ayon kay Omaga, ang bandalismo ay protesta na idinaan sa pamamagitan ng sining.
Aniya, maglalabas ng pormal na pahayag ang Anakbayan ukol sa bandalismo.