NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mamamayan ng Panay upang alamin ang totoong kaganapan sa serye ng mga blackout sa nasabing lugar makaraang lumutang ang mga espekulasyon na ang nasabing power outage ay ‘pinagplanohan’ at sinabotahe.
Ayon sa mga residente, sakaling totoo ang duda na ang Iloilo blackout ay sinabotahe, kailangang papanagutin ng Pangulong Duterte kung sinoman ang may pakana dahil ang mga mamamayan ng Iloilo ang naging biktima nito.
Mismong industry sources ang nagsabi na ang dalawang araw na blackout noong 29 at 30 Oktubre sa Iloilo ay “highly irregular” at kahina-hinala.
Noong 29 Oktubre, dalawang coal-power plants ang sabay na tumigil – ang PEDC plant na pag-aari ng Global Business Power (GBC) at ang Palm Concepcion Power Corporation (PCPC).
Ang PEDC plant ay may nakatakdang shutdown ng araw na iyon, ngunit ayon sa insiders, nagbalik ang operasyon ng PCPC noong 2 Nobyembre — limang araw pa makaraan ang shutdown.
Ayon sa insiders, ito ay lubhang kaduda-duda maliban kung ang planta ay nagkaroon ng major breakdown.
Kadalasan, anang sources, ang power lines at power plans ay itinitigil dahil sa mga dahilang pangkaligtasan pero manunumbalik ang operasyon sa loob ng 5-6 oras.
Gayonman, iba ang naging kaso sa PCPC na inabot nang tatlong araw pa bago bumalik sa operasyon.
Ang blackout sa Iloilo ay naganap sa gitna ng pagtatalo sa power distributorship sa nasabing lugar sa pagitan ng kasalukuyang power distributor na Panay Electric Company (PECO) at ang baguhang More Electric Power Corporation (MORE Power) na planong mag-take-over sa assets ng PECO.
Lumilitaw na si Ruel Castro, presidente ng MORE Power, ay dating presidente ng PCPC.
Batay din sa pagsusuri sa Securities and Exchange Commission (SEC), ang grupo ni Castro ay nagmamay-ari rin ng minority stake sa PCPC.
Ito ang nagbunsod ng hinala na ang malawakang blackout ay dahil sa pagtatangkang sirain ang imahen ng PECO bilang power provider sa Iloilo at gamitin ang insidenteng ito para sa black propaganda.
“Nangyari ang blackout dahil sa mga kadahilanang hindi kontrolado ng PECO. Ngunit ginamit pa rin ito ng MORE Power upang palabasin na kasalanan ng PECO ang blackout nang hindi man lamang tinitingnan ang totoong kaganapan,” ani Marcelo Cacho, Head of Public Engagement and Government Affairs ng PECO, na pinatungkulan ang mga lumabas na news item mula sa MORE Power na sinisisi ang PECO sa naganap na power outage.
“Una sa lahat, nais naming linawin na ang PECO ay isang power distributor at hindi isang power generator,” ani Cacho. “Nagdi-distribute lang kami ng power mula sa gine-generate ng National Grid Corporation of the Philippines,” dagdag niya.
Batay sa mga naunang naglabasang ulat, sa ikalawang araw ng blackout noong 30 Oktubre ay naibalik agad ng NGCP ang power sa loob lamang ng kalahating oras.
“Gayonman, taliwas sa mga naglabasan sa pahayagan, hindi naman totoong naibalik ng NGCP ang power sa loob ng kalahating oras,” ani Cacho. “Sa katunayan, hindi kami tumigil ng paghingi ng updates mula sa NGCP pero wala naman kaming natanggap. Pinayohan lamang nila kami na maaari nang maibalik ang power, 11 oras makaraan ang power outage,” dagdag ni Cacho.
Ayon kay Cacho, matagal na silang nagpatupad ng rotating brownouts, taliwas din sa pahayag ng MORE, at binigyang prayoridad nila ang mga residential areas na walang generator sets.
“Ang mga pahayag ng MORE ay hindi base sa tunay na mga kaganapan kundi isang pagtatangkang sirain ang PECO upang itago ang katototohang wala talaga silang kasanayan sa power distribution at walang kapasidad na pagsilbihan ang Iloilo sa aspektong ito,” ani Cacho.
“Nagagalit ako dahil ginagamit nila ang mga mamamayan ng Panay na siyang biktima ng lahat ng ito. Sa coal plant shutdown at ang halos magkakasabay na sunog sa mga poste sa iba’t ibang lugar sa Iloilo ay napaisip talaga ako na may nangyayaring hindi tama sa likod nito,” ani Cacho.
“Tinatanong kami ng mga customer: baka naman sinasabotahe kayo ng mga tao o grupo na gusto kayong patalsikin at agawin ang pangangasiwa ng power mula sa inyo?”