IMBES karagdagang kabuhayan, sariling buhay ang ibinuwis ng 19 katao kabilang ang ilang senior citizens,
nang mahulog ang sinasakyan nilang Elf truck sa isang bangin sa bayan ng Conner, lalawigan ng Apayao dakong 7:00 pm nitong nakaraang Huwebes, bisperas ng Undas, 31 Oktubre.
Nabatid sa mga imbestigador, sugatan ang 22 iba pang pasahero ng nabanggit na truck.
Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Beverly, Jason, Brenda, at Imelda Talay; Mamerto at Susan Milo; Amparo Aberion, 63 anyos; Domingo Asperela, 66 anyos; Pacita Dajucon; Mercy Gundan; Leticia Patay, 49 anyos; Conrado Subatan, 70 anyos; Claro Mamauag, 79 anyos; Rose at Ludalina Molina; Fermelina Dacuycuy; Rudy Pagtama; Reymundo Sosa, 79 anyos; at Margie Agustin-Pamittan, 66 anyos.
Sa ulat sinabing, galing sa lalawigan ng Kalinga ang mga biktima na pawang residente sa Bgy. Lattut sa bayan ng Conner. Nabatid na tumanggap sila ng salapi at mga butong pananim bilang tulong mula sa gobyerno.
Pauwi sa Apayao ang mga magsasaka sakay ng truck nang maganap ang insidente.
Ayon kay Mylz Ginez ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck nang masira ang preno kaya nahulog sa bangin at bumaligtad.
Nakuha ang lahat ng katawan mula sa Sitio Karikitan, Bgy. Gassud habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.