NAPAHANGA ng Pinoy filmmakers at actors na nag-represent sa bansa ang mga hurado sa ika-32 Tokyo International Film Festival (TIFF) Red Carpet at Opening Ceremony sa Roppongi Hills, Tokyo, Japan.
Sa 181 na pelikula para sa exhibition ng TIFF ngayong taon, walong productions ang mula sa Pilipinas—marka ng isang impressive feat sa Philippine Cinema.
Pinangunahan nina Bela Padilla, Mara Lopez, Pinky Amador, at JC Santos ang Philippine delegation sa TIFF sa procession ng filmmakers at ng mga artista noong Oktubre 28, Lunes.
Sina Padilla at director Paul Soriano ang nag-represent para sa World Premiere ng Mañanita sa Main Competition ng TIFF. Pinagbibidahan naman nina Lopez at Amador ang The Halt (Ang Hupa) na idinirehe ni Lav Diaz.
Samantala, kasama ni Santos sa pag-represent ng Motel Acacia ang director na si Bradley Liew, producer na si Bianca Balbuena, at production designer na si Ben Padero. “What a night for Philippine cinema,” banggit ni Padero sa kanyang Instagram account.
Ang iba pang representatives ng Philippine Cinema sa TIFF 2019 sina Antoinette Jadaone, Dan Villegas, at Carlo Cannu para sa Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay. Ang direktor naman na si Sigrid Andrea P. Bernardo at cinematographer na si Boy Yñiguez ang kumatawan para sa Untrue.
Ang bumuo sa walong Philippine productions sa TIFF 2019 ay ang Mindanao ni Brillante Ma Mendoza, Food Lore Series – Island of Dreams ni Erik Matti, at The Entity (Kuwaresma). Ang actor na si Kent Gonzales ang nag-represent sa The Entity.
Ngayong taon, kabilang sa mga rumampa sa TIFF Red Carpet and Opening Ceremony ang Hollywood stars na sina Alicia Vikander at Zhang Ziyi. Co-stars sina Vikander at ang Japanese actor na si Naoki Kobayashi sa thriller na Earthquake Bird.
Sa Opening Ceremony, sabi ni Ziyi, ang pangulo ng TIFF 2019 Competition Jury, ”Over the years, this world-class festival has consistently introduced fresh new talent to film lovers all over the world.”
Ang iba pang kasama ni Ziyi sa Competition Jury ay ang actor-producer na si Julie Gayet, producer na si Bill Gerber, at directors na sina Ryuichi Hiroki at Michael Noer. Ang TIFF 2019 ay tatakbo simula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 5.