PLANTSADO na ang paghahanda ng pamahalaan at ng Philippine National Police (PNP) sa paggunita sa araw ng Undas ngayong 1-2 Nobyembre para matiyak ang kaligtassan ng publiko.
Kaugnay nito nagpaalala si Quezon City 5th District Councilor Allan Butch Francisco sa publiko na bukod sa dapat matiyak ang maayos at matiwasay na pagbiyahe ng mga kababayan natin na magsisipag-uwian sa kanilang mga lalawigan ay dapat din magkaroon ng mga roving patrol sa residential areas upang mabantayan ang mga kabahayan ng mga kababayan habang wala sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay Francisco, layon nitong mapigilan ang masasamang loob na nais manggulo at makapangbiktima ng indibiduwal ngayong Todos Los Santos o All Saints Day.
“Kasi kadalasan umaatake ang masasamang loob kapag may ganitong okasyon at sinasamantala ang pagiging busy ng mga pulis,” ani Francisco.
Sinabi ng konsehal, upang mapigilan ang pag-atake ng mga mandurukot, at masasamang loob na magnakaw sa ating mga bahay habang walang tao sa kanilang tahanan, ‘wag mag-post sa mga Facebook na walang tao sa ating mga bahay upang ‘di mabiktima.
Idinagdag ni Francisco, ang Quezon City Police District (QCPD) ay handa na rin para magpakalat ng mga pulis sa mga sementeryo upang tiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayan na bibisita sa kanilang mga mahal sa buhay, gayondin ang Quezon City government, na handa na rin para magpakalat ng mga ambulansiya sa oras ng emergency.
Ayon kay Francisco, sa dami ng mga bibisita sa mga sementeryo dapat lagyan ng name plate at cellphone number o ID ang kanilang mga anak na isasama upang madaling mahanap sakaling mawaglit sa kanilang mga mata.