MISMONG si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang nagkaloob sa Philippine General Hospital (PGH) ng milyon-milyong donasyon kabilang ang kanyang talent fee sa kanyang pagmomodelo sa JAG Jeans.
Umabot sa halagang P30.5 milyong donasyon kabilang ang kanyang P1 milyong talent fee mula sa isang kilalang brand ng damit, ang pormal niyang ipinagkaloob sa tanggapan ni PGH Director Gerardo Legaspi.
Kabilang sa nasabing halaga ang kinita sa ginanap na fund raising program na “Yorme Kois Golf Cup” kamakailan na kumita ng kabuuang P24.5 milyon, P1 milyon na Jag Jeans talent fee ni Mayor Isko, P1 milyon mula sa kompanyang Jag Jeans, P1 milyon mula sa Kenny Roger’s, P1 milyon mula sa Seattle’s Best, at P2 milyon mula sa sister company ng Jag Jeans.
Sinabi ni Legaspi, gagamitin ang nasabing halaga sa mga batang may sakit na cancer na ngayon ay nasa pangangalaga ng Cancer Ward for Children gayondin sa mga pasyente sa Pedia Section na isasailalim sa liver transplant ng PGH.
Paalala ni Moreno sa mga batang may cancer sa PGH, huwag mag-alala at mawalan ng pag-asa dahil maraming nagmamahal sa kanila at tutulong para sa kanilang pangangailangan sa pagpapagamot.