DISYEMBRE 2014 pa nang buksan ni former Manila Mayor Joseph Estrada ang pinakamalaking dialysis center sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Maynila.
Ito ang inihayag ng kampo ng dating alkalde, na sa pamamagitan umano ng City Ordinance 8346 at Council Resolution No. 163 na inaprobahan ng konseho noong Abril 2014, binigyan ng kapangyarihan si Estrada na pumasok sa kasunduan para sa pagbubukas ng dialysis center sa naturang ospital.
Naisipan umanong magproyekto ng dialysis center matapos makita ng dating Pangulo ang hirap ng kidney patients na nakapila sa palasyo ng Malacañang noong siya pa ang lider ng republika.
Sa pamamagitan ng public-private partnership, nasimulan ni Estrada ang dialysis center matapos ang pakikipagkasundo sa B. Braun, ang pinakamalaking dialysis servicing company sa bansa.
Nagsimula ang center sa 26 dialysis machines na naging bahagi ng “from womb to tomb” health program ni Estrada na nakapagserbisyo nang libre sa maraming mamamayan ng Maynila na kidney patients sa ilalim ng Phase 1.
Noong Oktubre 2018, nagkaroon ng panibagong inagurasyon si Estrada na tinukoy bilang Expanded Manila Dialysis Center sa ilalim ng Phase 2 na may karagdagang 29 dialysis machines kaya umabot sa 55 ang nagamit na makina.
Sa pagtatapos ng ikalawang termino ni Mayor Erap, umaabot na sa 120,000 kidney patients ang napagsilbihan ng dialysis center na libre ang makina, gamot at ang lahat ng pasilidad para sa mga pasyente.
Umaabot sa P2,500 hanggang P3,000 ang karaniwang bayad sa isang sesyon ng dialysis machine ngunit libre itong naibigay sa mga pasyente sa loob ng anim na taon ng pagiging alkalde ni Estrada.
Ayon kay Estrada, pondo ng pamahalaang lungsod ang ginamit sa programa sa tulong din ng pribadong sektor kaya dapat pakinabangan ng mga mamamayan.
“Hindi naman natin kailangan ng kredito dahil ang importante sa lahat ay malaman ng mga mamamayan kung kailan nagsimula ang dialysis center ng Maynila na kahit minsan ay hindi natin kinulayan ng politika,” pahayag ni Erap.