PAIIMBESTIGAHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagkamatay ng isang buntis na ginang na unang dinala sa Ospital ng Sampaloc at ipinalipat sa Sta. Ana Hospital kamakailan.
Sa impormasyon na ibinigay kay mayor Isko, dakong 8:00 am nitong 21 Oktubre, nagpunta mag-isa ang pasyenteng buntis na si Myra Morga sa Sampaloc Hospital dahil sumasakit ang tiyan at kanya na umanong kabuwanan.
Agad inasikaso ng mga kawani ng nasabing ospital si Morga at noon nasuri ng isang doktor na wala nang “heart beat” ang bata na nasa sinapupunan nito kaya’t inirekomendang ilipat ang pasyente sa Sta. Ana hospital dahil mas kompleto ang mga kagamitan doon.
“Nang dumating iyong kamag-anak ni Myra, sinabihan sila na hindi nila kaya ang sitwasyon ng pasyente kaya dinala sa Sta. Ana hospital,” anang alkalde.
Batay sa kumalat na video sa social media, hindi umano inihatid hanggang sa harapan ng emergency room ng Sta. Ana Hospital ang pasyente kundi sa labas ibinaba at pinaglakad hanggang makapasok sa nasabing pagamutan.
Dahil sa patuloy na pagdurugo, ilang oras ang nakalipas ay binawian ng buhay si Myra gayondin ang bata sa kanyang sinapupunan.
Batay sa mediko legal, namatay umano ang pasyente dahil sa hypovolemic shock, severe anemia at abruptio placenta.
Kahapon, humarap ang Director ng Sampaloc Hospital na si Dra. Aileen Lacsamana at Director ng Ospital ng Sta. Ana na si Dra. Grace Padilla kay Mayor Isko upang makapagpaliwanag.
Iginiit ng alkalde na paiimbestigahan ang na_sabing insidente at kung sakaling mapatunayan na may kapabayaang naganap, titiyakin niya na may mananagot.
Paiimbestigahan din ng alkalde ang driver ng ambulansiya na naghatid sa namatay na pasyente sa ospital ng Sta. Ana kung bakit ibinaba sa kalsada sa kabila ng delikadong kalagayan nito.
Napag-alaman na nailibing na ang bangkay ng mag-ina na pinagsama sa iisang kabaong dahil sa kanilang kahirapan.
Ayon kay Isko, kahit hindi umano residente ng Maynila ang namatay na pasyente, magbibigay pa rin ng tulong ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Manila Social Welfare and Development (MSSD).