DAPAT tutukan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tunay na ‘utak’ sa halos isang bilyong investment scam na sinabing naganap sa loob ng isang casino sa Parañaque City matapos lumutang ang ilang mga nagpapakilalang biktima ng nasabing modus.
Ayon sa abogadong si Ronald Renta, hindi dapat sayangin ng NBI at ng iba pang law enforcement agencies ang mga ebidensiya na nagtuturo sa isang Marlon Muya na hinihinalang nasa likod ng nasabing investment scam.
Si Renta ay tagapagtanggol ni Raymond Galang na kamakailan ay inaresto ng NBI kahit umano walang bitbit na warrant of arrest sa loob ng Okada Manila sa kasong “attempted estafa” kaugnay sa nasabing scam.
Matapos ang inquest proceeding, si Galang ay pinayagang makapaglagak ng P2,500 piyansa ng Parañaque City Prosecutor’s Office para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa isang pahayag sa pamamagitan ng kanyang abogado, ikinalungkot ni Galang ang naganap na eskandalo nang siya’y sapilitang arestohin at kaladkarin ng grupo ng NBI Special Task Force (STF) sa loob ng Okada Casino noong 8 Oktubre 2019.
Ayon kay Renta, nagkaroon ng komosyon sa loob ng gusali dahil ang ginawang pag-aresto kay Galang ay hindi alinsunod sa patakaran ng batas at wala rin umanong koordinasyon sa security office ng nasabing casino.
“Si Galang ay biktima rin dito dahil siya mismo ay nagpasok ng salapi kay Muya,” ani Renta.
Idagdag riyan, aniya, ang idinulot na labis na kahihiyan at depresyon na dinanas ng pamilya Galang sa pag-aresto sa huli.
Labis ang pagkadesmaya ni Galang sa GMA-7 sa pagsasahimpapawid ng balita ibinase sa umano’y kuro-kuro ng mga nagpapakilalang biktima ng scam.
“Hindi man lamang po ako sinubukan kapanayamin ng GMA-7 habang ako ay nasa kustodiya ng NBI. Bagkus, ipinakita nila ang ilang mga fictitious na tao na nagpapakilalang biktima,” ani Galang.
Sa kuha ng GMA-7 news crew na ipinalabas sa 24 Oras at QRT noong nakaraang linggo, makikitang kinakaladkad ng mga tauhan ng NBI-STF si Galang habang sila ay mistulang inaawat ng mga security officers ng casino.
Ayon kay Renta, sinubukan nilang kausapin at sulatan ang pamunuan ng GMA-7 upang linawin ang isyu at ipaliwanag ang kanilang panig ngunit nabigong tumanggap ng kahit anong sagot sa news network na kilala sa kanilang slogan bilang ”Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang kasinungalingan.”
Naniniwala ang panig ni Galang na mayroong ilang personalidad sa likod ni Muya na umano’y gumagamit ng poder at kapangyarihan upang iwasan ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang investors.
Ang kaso ay nag-ugat sa panghihikayat sa mga indibiduwal na nagnanais kumita nang mahigit sa 15 porsiyentong tubo kapalit ng pagpapautang ng kanilang salapi.