KINOMPIRMA ng opisyal na ulat mula sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na mas lumaki pa ang lamang ni Vice President Leni Robredo laban kay Bongbong Marcos.
Ayon sa committee report na inilabas ng PET, nakakuha ng dagdag na 15,093 boto si Robredo matapos ang manual initial recount na isinagawa sa mga probinsiya ng Iloilo, Negros Oriental, at sa baluwarte niyang Camarines Sur — mga probinsiyang si Marcos mismo ang pumili.
Dahil sa naging resulta, idiniin ni acting Chief Justice Antonio Carpio, na dapat nang ibasura ang protesta ni Bongbong.
Ayon kay Carpio, ginagawang katatawanan ni Marcos ang proseso sa pagpupumilit na ituloy pa ang kaniyang kaso.
Alinsunod ang pagbasura ng protesta sa sariling panuntunan ng PET, na nagsasabing dapat malaki ang mabawi ni Marcos sa recount, upang payagang ituloy ito.
Dahil dito, lalong lumalakas ang panawagan ng iba’t ibang sektor na ibasura na ang kaso.
Sa mga pahayag kamakailan, sinabi ng Makati Business Club at ng iba pang grupo ng mga negosyante na dapat ay agaran nang maresolba ang kaso, upang mabawasan ang pag-aalinlangan ng ibang investors dahil sa “political at judicial uncertainty” sa bansa.
Samantala, nagbabala ang ilang eksperto, gaya nina dating Comelec commissioner Goyo Larrazabal at dating Supreme Court Chief Justice Artemio Panganiban, tungkol sa ikatlong cause of action sa kaso ni Bongbong laban sa Bise Presidente.
Anila, hindi basta-basta mapapawalang-bisa ang mga boto sa mga probinsiya ng Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao, dahil magkakaroon pa ng special elections.
Nagpahayag rin ng pagtutol sa posibilidad na ito ang mga opisyal mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na tila nainsulto sa pag-aakusa ni Marcos na nagkadayaan sa kanilang rehiyon.
Ayon kina Deputy Speaker at Basilan District Rep. Mujiv Hataman at BARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, walang duda na nanalo sa kanilang lugar si Robredo, dahil ito ang kaisa-isang kandidato na nagpakita ng interes sa dating ARMM noong kampanya.
Ayon kina Hataman at Adiong, sinadya talaga ng Bise Presidente na makadalaw doon, at labis itong tumatak sa puso ng mga taga-BARMM.
HATAW News Team