UMABOT sa lima ang iniulat na namatay matapos ang magnitude 6.3 lindol na yumanig sa lalawigan ng North Cotabato nitong Miyerkoles ng gabi, 16 Oktubre.
Kasama sa mga casualty ang isang batang babaeng natabunan ng gumuhong bahay sa bayan ng Datu Paglas sa lalawigan ng Maguindanao, habang dalawang residente ang nasaktan dahil sa mga gumuhong bahagi ng isang konkretong pader sa bayan ng Tulunan sa lalawigan ng North Cotabato.
Sa bayan ng M’lang, binawian ng buhay nang atakehin sa puso ang isang lalaking kinilalang si Tony Panangulon, pinaniniwalaang nasa edad 40 anyos pataas.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang dalawa pang casualty habang higit sa 20 katao ang sugatan sa bayan ng Magsaysay sa lalawigan ng Davao del Sur.
Ayon sa Magsaysay information officer na si Anthony Allada, maraming bahay ang nasira at ilan ay tuluyang gumuho.
Hindi bababa sa siyam katao ang nasaktan sa mga bayan ng Makilala at Kidapawan.
Ayon sa NDRRMC, tinatayang 15 bahay sa lalawigan ng Davao del Sur at 14 sa rehiyon ng Soccsksargen ang bahagyang napinsala ng lindol.
Sa U.S. Geological Survey, ang sentro ng lindol ay naitala 8 kilometro mula sa bayan ng Colombio sa lalawigan ng Sulatan Kudarat, at may lalim na 14 kilometro.
Sinabi sa mga eksperto, ang mabababaw na lindol ay tinatayang nagdudulot ng mas maraming pinsala kaysa malalalim.
Naantala ang pagtataya sa halaga at lawak ng pinsala sa mga lalawigan nang mawalan ng elektrisidad sa ilang lugar.
Sumiklab ang sunog sa isang shopping mall sa lungsod ng General Santos ilang sandali matapos ang lindol, ngunit hindi naman tiyak ng mga awtoridad kung ano ang pinanggalingan ng apoy.
Sinabi ni M’lang vice mayor Joselito Piñol, inilikas ang mga pasyente mula sa isang pagamutan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Dagdag ng bise alkalde, ilang gusali ang napinsala at mga poste ng koryente ang natumba dahil sa malakas na pagyanig ng lupa at maging ang salaming bintana sa kanyang tanggapan ay bumagsak at nabasag.
Nawalan ng koryente sa lungsod ng Kidapawan na itinuturing na pangunahing transport hub ng Mindanao.
Suspendido ang pasok sa mga paaralan sa mga apektadong lugar gayondin sa lungsod ng Davao upang bigyang daan ang pagsusuri sa mga gusali.