NAGSAGAWA ng ocular inspection ang Senate Committee on Sports at ang House Committee on Sports sa New Clark City sa Capas, Tarlac na pagdarausan ng 2019 SEA Games kahapon.
Isa ang New Clark City Aquatic Center at Athletic Stadium sa pagdarausan ng athletics at aquatics events sa 30th Southeast Asian Games na host ang Filipinas.
Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, Chairman ng Committee on Sports, nakita niyang maayos at kontento siya sa pagdarausan ng SEA Games.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano, chairman ng SEA Games Organizing Committee (Phisgoc), nais nilang matiyak na walang magiging aberya sa SEA Games.
Ang New Clark City ay 9,450 ektaryang lupain na pinamahlaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Kasunod ng kompirmasyon ni Go, itatayo roon ang Philippine High School for Sports.
Iginiit ni Go at Cayetano, pinili nilang gawin sa labas ng Metro Manila ang ibang activities para maitampok rin ang turismo sa mga nabanggit na lalawigan.
Karamihan ng events sa SEA Games ay gaganapin sa Clark Freeport Zone sa Pampanga sa pamamagitan ng Clark Development Corp.
Mayroon din sa Subic Freeport Zone sa Zambales sa tulong ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Sa Metro Manila gaganapin ang basketball at volleyball events.
Isasagawa ang SEA Games mula 30 Nobyembre hanggang 11 Disyembre ng kasalukuyang taon.