SA GITNA ng lumalawak na pangamba hinggil sa African Swine Fever (ASF) sa bansa, nanindigan si Deputy Speaker Raneo Abu ng Batangas na libre pa rin ang probinsiya sa sakit na nakaapekto sa libo-libong baboy sa bansa.
Ayon kay Abu, sa pagputok ng balita sa ASF, ipinagbawal na agad ng pamahalaan lokal ang pagpasok ng baboy sa probinsiya.
“Ang aming Gobernador (Hermilando) Mandanas nagsagawa agad ng pagbabawal sa pagpasok ng baboy mula sa ibang probinsiya,” ani Abu sa interbyu sa Lobo, Batangas.
Ayon kay Abu, mismong ang provincial veterinary officer ang nagsasabi na walang ASF sa probinsiya.
Sa patunay na walang nakapasok na ASF, nagsagawa si Abu ng “boodle fight” kasama si Lobo Mayor Gaudioso Manalo at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Lobo para kumain sila ng litson.
Ang Batangas ay kilala rin sa bulalo ng baka. Ang karamihan nito ay nanggagaling sa bayan ng Padre Garcia na may regular na “livestock auction market.”
Aniya, patuloy ang pagsagawa ng checkpoints ng kawani ng veterinary office upang siguraduhin na walang makapapasok na sakit ng baboy at iba pang pang-agrikulturang produkto sa probinsiya.