MALAPIT nang masilayan ng mga Batang Maynila ang bagong mukha ng Jones Bridge na kasalukuyang ginagawa ang transpormasyon.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, inaasahan sa 20 Oktubre ay masisilayan ang bagong mukha ng Jones Bridge o tinawag niyang “Paris of the East.”
Kahit masama ang pakiramdam ng alkalde ay patuloy pa rin siyang nag-iikot upang bisitahin naman ang Mehan Garden.
Natuwa ang alkalde sa malaking pagbabago ng parke dahil sa mga inilagay na fountain na nag-iiba ang kulay na ilaw gayondin ang mga palm tree na pinalibutan ng ilaw na lalong nagbigay-liwanag sa buong parke at tinawag ng alkalde na parang Florida.
Nagpasalamat din ang alkalde sa Boysen dahil sa laki ng kanilang naitulong para sa pagpipintura ng flooring sa parke para maging ligtas ang mga namamasyal doon dahil ang pinturang ginamit ay rubberized.
Aniya, kalahating dekadang napabayaan ang Mehan Garden at ngayon hindi na kailangan magpunta pa sa Ayala Triangle dahil napakaganda na ng parke sa Maynila.
Pinasalamatan din ni Moreno ang city electrician at city engineering dahil sa magandang resulta ng muling pagbuhay sa Mehan Garden.
Malinis na rin ang comfort rooms (CR) na gawa sa marmol/granite kaya naman nakiusap ang alkalde sa mga bata na huwag itong bababuyin kundi alagaan upang mapanatiling maayos at malinis. Nakiusap ang alkalde sa publiko at sa Batang Maynila lalo sa mga estudyante ng UDM na alagaan ito upang mas marami pang mga parke ang maaaring maibalik sa mga Manilenyo.
“Ipaaayos pa natin ito para maging vibrant naman ang Maynila. Patikim pa lamang ito at sa tulong ninyo magtatagumpay tayo,” pahayag ni Moreno.