TULOY-TULOY ang road clearing operations sa Maynila sa kabila ng pagtatapos ng 60-day deadline na ibinigay ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na pamahalaan.
Una nang binigyan ni DILG Secretary Eduardo Año ng gradong “high compliance” si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa isinagawa nilang clearing operation sa Lungsod.
Inamin ni Mayor Isko, hindi nila kayang linisin ang Maynila sa loob ng 60 araw, pero tiniyak niya na magpapatuloy ang kanilang clearing operations hanggang maayos lahat ng sidewalks.
Kahapon ay nagsagawa ng clearing ang Manila Department of Public Safety at Engineering Office sa kahabaan ng Dapitan St.,Tondo.
Gayondin sa Dagonoy Market at Quezon Boulevad para alisin ang obstructions sa kalye.
Matatandaan, kasabay ng kanyang 100 days sa panunungkulan, nilagdaan ni Moreno ang Executive Order No. 43 para obligahin na magkaroon ng lingguhang clearing operations ang mga barangay.