UMALMA ang misis ng pinaslang na vice mayor ng Batuan, Masbate sa kasong isnampa ng Manila Police District (MPD) laban sa naarestong apat na suspek.
Sinabi ni Lalaine Yuson, kabiyak ng napatay na si Vice Mayor Charlie Yuson III, nanawagan sila na isama sa Senate hearing ang tila cover-up ng pulisya sa isinagawang imbestigasyon sa mga suspek kaugnay ng pagpaslang sa kanyang asawa.
Sa panayam kay MPD P/BGen. Vicente Danao, Jr., sinagot nila ang akusasyon ni Yuson at tiniyak na walang magaganap na cover-up o switching sa mga suspek, na sina_sabing may dalawang Masbate police.
Ipinaliwanag ni Danao kung bakit illegal possession of firearms ang isasampang kaso laban sa mga suspek dahil may nakuhang armas nang maharang sila sa dragnet operation.
Paliwanag ni Danao, para ma-hold ang mga suspek dahil nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Sasampahan din aniya ang mga suspek ng kasong murder sa sandaling makompirmang sila nga ang nasa likod ng nangyaring pagpatay.
Ayon kay Danao, iimbitahan din nila si PCSO Director Sandra Cam sa MPD upang mahingan ng pahayag kaugnay sa pagkakadawit ng kanyang pangalan.
Nauna nang itinanggi ni Cam ang akusasyon.
“It’s unfair na nakalaban lang namin siya sa nakaraang mayoral election ay kami na ang ituturo na may motibo sa pag-ambush?”
Ito ang pahayag ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam kasabay ng mariing pagtanggi na may kinalaman siya sa pag-ambush at pagpatay kay Batuan Masbate vice mayor Charlie Yuson llI.
Ayon kay Cam, tanggap nila ang pagkatalo noong nakaraang eleksiyon at walang dahilan para ipapatay nila ang biktima.
“Kung mamatay ba siya ay mauupo ang aking anak, hindi naman, at hindi kami ganyan na magpapapatay para lang sa puwesto,” giit ni Cam.
Ang anak ni Cam na si Marco Martin Cam, ang nakalaban sa mayoral race sa Batuan, Masbate ng anak ni Yuson na si Charmax Jan Yuson.
Ang mag-amang Yuzon ay mayroong outstanding warrant of arrest sa kasong illegal possession of firearms matapos mahulihan ng matataas na kalibre ng baril noong nakaraang Pebrero.
“I have nothing to do with the ambush. It is so unfair that our family is being dragged into this, we’ve moved on from that election” ani Cam.
Kinondena ni Cam ang ambush kay Yuson at umaasang lalaliman ng Manila Police District (MPD) ang imbestigasyon sa kaso para matukoy ang motibo at kung sino ang mastermind sa krimen.
Inaalam ng MPD sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung sangkot sa illegal drugs ang biktima.
Iniimbestigahan din ng MPD kung may kaugnayan ang pagkakakompiska ng high powered firearms sa mag-amang Yuson sa ambush.
HATAW News Team