MARAMING ‘excited’ sa gagawing challenge ngayon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo — ang rush hour commute challenge.
Ito ay hamon sa kanya ng lider ng mga militanteng si Renato Reyes matapos niyang sabihin na wala pang krisis sa transportasyon kasi nakararating pa naman daw sa kanilang paroroonan ang mga pasahero.
Kaya hayan, hinamon si Panelo na sumakay ng jeep, LRT o MRT during rush hour para patunayan niyang wala pang krisis sa transportasyon.
Ang hamon, gawin niya nang walang bodyguard walang VIP treatment, walang hawi boys at during rush hour. At dapat din siyang pumila.
Kumasa naman si Secretary Panelo pero ayaw niyang sabihin kung paano niya gagawin. Nagboluntaryo pa ng ruta ang naghamon na si Nato Reyes. Basta sorpresa umano ang sabi ni Panelo.
Tumanggi naman si Transportation Secretary Art Tugade na lumahok sa challenge kasi nagko-commute naman daw talaga siya pero hindi niya umano kailangan ipagyabang o i-announce.
Kaya ngayong araw, dapat tindigan ni Panelo ang kanyang pahayag na wala pang krisis sa transportasyon.
Tingnan natin kung ano ang gagawin ni Panelo kapag naramdaman na niya ang nararanasan ng mga pangkaraniwang mamamayan sa araw-araw.
‘Yung gumigising sila nang maaga, pipila sa sakayan ng jeep o UV Express at ganoon din sa LRT at MRT.
Sana, isama rin ni Secretary Panelo ang mga opisyal ng LRTA, MRT, LTO, at LTFRB, para maranasan nila ang pagdurusang nararanasan ng mga mamamayan araw-araw.
Abangan natin mga suki, ang challenge nina Salvador at Renato.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap