INAASAHANG sa susunod na taon, muli nang mabubuksan sa publiko ang makasaysayang Manila Metropolitan Theatre.
Ito ang inianunsiyo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) matapos mag-inspeksiyon kasama si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Kasama rin sa mga nag-inspeksiyon ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Komisyons a Wikang Filipino chair, National Artist for Literature Virgilio Almario.
Sa 2020 planong buksan ang magkabilang wing ng naturang teatro habang bubuksan sa publiko ang buong makabagong Metropolitan Theatre Complex sa 2021.
Ayon kay NHCP Chairman Rene Escalante, sa Pebrero ang target dahil Arts month habang Heritage month naman sa Mayo, na may malalaking okasyong idaraos.
Paliwanag ni Escalante, natagalan ang restoration sa teatro dahil nagkaroon ng problema sa sinunod na conservation plan ng naturang gusali.
Aniya, mayroong artwork sa loob na kailangan pag-aralan mula sa naging restorasyon nito noong 1978 matapos masira sa ikalawang digmaan noong 1945.
Dahil dito susundin ang orihinal na disenyo ng naturang teatro nang buksan ito taong 1931.
Plano rin ng NCCA na maibalik ang ‘Sarsuwela’ na una umanong ipapalabas sa sandaling magbukas ang teatro upang mamulat ang mga kabataan sa sining at kultura noong unang panahon.
Matatandaan na isinara ang nasabing teatro upang sumailalim sa rehabilitasyon sa pangangalaga ng NCAA noong 2015 matapos mabili sa GSIS sa halagang P270 milyon.