PINASINAYAAN at pinangunahan nina Senadora Cynthia Villar at ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque ang pagbubukas ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Barangay Ilaya, Las Piñas City.
Ang naturang pasilidad ay mayroong dalawang palapag para sa mga babaeng occupants na maaaring makinabang ang 86 pasyente at isa pang tatlong palapag na gusali na mapapakibanagan ng 158 lalaking pasyente.
Muling ipinaayos ng pamilya Villar ang nasabing gusali na dating ginagamit ng Vice Mayors League of the Philippines at Provincial Board Members League of the Philippines at sa huli ay ginawang rehabilitation center.
Bilang kapalit, nagpatayo rin ng dalawang tig-tatlong palapag na gusali ang pamilya Villar para sa vice mayors league at board members league.
“Ang rehab center ay bahagi ng aming kontribusyon at pakikiisa sa kasalukuyang administrasyon sa kampanya nito laban sa ilegal na droga. Through this facility, we can now have a place in Las Piñas and neighboring cities to transform drug-dependent individuals into fully responsible and productive members of our society,” ani Villar .
Sina Villar at Duque ay sinamahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Ricojudge Janvier Echiverri ng Inter-Agency Task Force.
Magugunitang ang naturang rehab center ay binuksan noong Disyembre bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni dating Senate President Manny Villar na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang guest of honor.
Ang drug rehab facility ay dating pag-aari ng Philippine Reclamation Authority (PEA) at binili ng DOH sa pamamagitan ng kanilang 2018 budget. Mayroon itong isolation room, doctor’s room, at laboratory room. Matatagpuan din ang Z kitchen area at dining area na maaaring gamitin bilang seminar area.
Bukod sa drug rehab center, ang Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (Villar SIPAG) ay mag-aalok ng farm schools para magkaroon ng training programs para sa mga susuko.
Sila ay maaaring sumailalim sa 12-week training program ukol sa kaalaman sa pagsasaka bilang alternatibong pagkakakitaan kapag nasa labas na ng center.
Ang soft opening ay dinaluhan din ng iba pang mga kinatawan mula sa DOH, DILG, ni Mayor Mel Aguilar at ng Las Piñas council at barangay officials. (NIÑO ACLAN)