PATAY ang isang dating pulis-Pasay nang barilin sa ulo ng dalawang hindi kilalang armadong suspek habang kumakain kasama ang anak na lalaki at nadamay rin ang isang babae na tinamaan ng ligaw na bala sa isang karinderia, nitong Linggo ng gabi sa Pasay City.
Dead on-the-spot sa pinangyarihan ang biktimang si Joselito Lopez, 46, dating nakalatalaga sa Station Intelligence Unit ng Pasay City Police sa Apelo Cruz St. Ext., Malibay, Pasay City, may dalawang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo.
Nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang ginang na kinilalang si Arlene Israel, 31, ng 455 Tramo St., EDSA, na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang hita.
Sa ulat ni Pasay police chief P/Col. Bernard Yang, naganap ang pamamaril dakong 10:55 pm nitong Linggo habang kumakain si Lopez kasama ang kanyang anak, 21 anyos (hindi binanggit ang pangalan) sa Cusi-Nah Restaurant sa Zamora St., Barangay 95 Zone 11, Pasay City.
Nilapitan umano ng dalawang ‘di kilalang armadong lalaki ang biktima saka sabay na pinaputukan nang dalawang beses sa ulo na kanyang ikinamatay.
Ang pangyayari ay ikinagulat ng anak ng biktima nang makitang duguang bumagsak ang kanyang ama.
Matapos ang pamamaril tumakas ang mga suspek sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa dating trabaho ni Lopez ang pagpaslang sa kanya.
Sa report, sinabing may kinakaharap umanong kaso ang naturang pulis sa Office of the Ombudsman (hindi binanggit ang kaso) hanggang nagkaroon ng dismissal at natanggal sa serbisyo.
Iniutos ni Col. Yang sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa pagpatay kay Lopez at busisisiin din ang close circuit television (CCTV) camera kung nahagip para sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek. (MANNY ALCALA/JAJA GARCIA)
Traffic enforcer utas din sa Pasay
ISANG traffic enforcer sa Pasay City ang pinaslang ng hindi kilalang lalaki kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Kinilala ang napatay na biktimang si Joey de Chavez, mula sa tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa pulisya pasado 9:00 am nang mangyari ang insidente sa EDSA Ext., sa nasabing lungsod.
Sa paunang imbestigasyon lulan ng motorsiklo ang biktima at may hinahabol umanong kolorum na sasakyan nang pagbabarilin sa hindi batid na dahilan ng hindi kilalang suspek.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga imbestigador ng Pasay police para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (MANNY ALCALA/JAJA GARCIA)