NALUNOD ang pitong paddler na miyembro ng Boracay Dragon Force, nang pasukin ng tubig ang sinakyan nilang bangka sa hampas ng malakas na alon sa bayan ng Malay, lalawigan ng Aklan kahapon ng umaga, Miyerkoles, 25 Setyembre.
Nabatid na 21 miyembro ng Boracay Dragon Force ang sakay ng bangka nang tumaob, 200-300 metro ang layo mula sa dalampasigan ng Barangay Manoc-Manoc bago mag-8:00 ng umaga.
Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) na si Capt. Armand Balilo, matapos ang search and rescue operations, pito katao ang kompirmadong binawian ng buhay habang 14 miyembro ang nakaligtas, kabilang ang Russian at Chinese nationals.
Tinitiyak ng Coast Guard na ang dalawang dayuhan ay bahagi ng koponang naka-base sa Boracay.
Lumabas sa imbestigasyon, kasalukuyang nag-eensayo ang dragon boat team sa laot nang hampasin sila ng malalaking alon na naging sanhi ng pagtaob ng bangka.
Ayon kay Aklan Acting Municipal Mayor Frolibar Bautista, maliit na bangka ang gamit ng grupong nagsasanay na naghahanda para sa sasalihang international competition sa Taiwan.
“Maalon at saka nakita ko sa picture na maliit lang ang dragon boat nila. Malakas ang alon at maliit lang, may tendency talagang mag-capsize. At rocky ang area. Ang daming injuries, inflicted wounds pagkatapos tumama sa bato,” pahayag ng acting mayor.
Patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng Philippine Coast Guard kaugnay ng naganap na sakuna.
“Dragon boat team ito, ang assumption ay magaling silang lumangoy. That’s why we are going to look into the circumstances of the incident,” ani Bautista.
Ilalabas ang pangalan ng mga biktima – tatlong babae at apat na lalaki– pagkatapos ng 24 oras, o kaya ay kapag nasabihan na ang kanilang mga kamag-anak.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay at simpatiya ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF), ang national sports organization sa bansa.