NATAGPUANG wala nang buhay ang isang division head ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa loob ng kaniyang kotse sa bayan ng Talavera, sa lalawigan ng Nueva Ecija noong Martes, 24 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Leon Victor Rosete, hepe ng Nueva Ecija Police Provincial Office, ang biktimang si Roger Barroga, hepe ng PhilRice Information System Division, na nakitang patay dakong 9:30 am sa loob ng kaniyang kotse na nakaparada sa Barangay La Torre sa bayan ng Talavera.
Dagdag ni Rosete, nakita ng isang katrabaho si Barroga sa likod ng kaniyang kotse.
Pinamunuan ni Barroga, 55 anyos, ang mga gawaing may kaugnayan sa information technology ng PhilRice sa pangunahing tanggapan nito sa bayan ng Muñoz, Nueva Ecija.
Kapatid si Barroga ni Serlie Jamias, vice chancellor for community affairs ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Ang PhilRice ay isang attached corporation ng Department of Agriculture, na may sangay sa Los Baños, Laguna.
Ayon kay Rosete, walang palatandaang pinahirapan o sinaktan si Barroga dahil walang nakitang sugat o pasa ang mga pulis.
Gayonman, sisiyasatin pa rin ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ang bangkay ng biktima sa kahilingan ng kaniyang pamilya.
Ayon sa isang katrabaho na tumangging magpakilala, huling nagkaroon ng komunikasyon si Barroga sa kanila at sa kaniyang pamilya sa pagitan ng 3:00 at 4:00 ng hapon noong Lunes, 23 Setyembre.
Pinamamahalaan ni Barroga, isang UPLB alumnus at dating PhilRice deputy executive director for administration, ang FutureRice program ng PhilRice, isang 5-hektaryang sakahan sa Nueva Ecija na nagsisilbing testbed ng mga IT program ng PhilRice.
Nakatanggap din si Barroga ng Pagasa Award mula sa Civil Service Commission noong 2018.