LIMANG lalaki na hinihinalang miyembro ng “Candelaria” robbery hold-up group, sinasabing sangkot sa nakawan at holdapan, ang napatay matapos manlaban sa mga pulis kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Kinilala ang mga napatay na sina Joseph Candelaria, at Nazzan Albao, kapwa dating miyembro ng Philippine Army (PA); at sina alyas Alenain, Aseras, at Cornoso, pawang dating miyembro ng Philippine Marines (PM).
Habang ang driver ng grupo ay kinilala sa alyas na Layco, lulan ng tumakas na van.
Ayon kay P/Col. Robin King Sarmiento, hepe ng Parañaque Police Station, unang naaresto ang dalawang miyembro ng “Candelaria” group makaraang mahulihan sila ng baril.
Unang nahuli ng mga tauhan ng Parañaque City Police si Andy Candelario, na nambibiktima ng POGO workers at nagsisilbing taga-mensahe para sa mga Chinese loan sharks dakong 3:00 am.
Nabatid na ginamit ng mga awtoridad ang phone ni Capia kaya nahuli sina Candelaria at Albao sa Macapagal Boulevard kamakalawa dakong 2:00 pm na nakuhaan ng isang Glock 22, caliber 40, at isang caliber 45 baril.
Matapos ang interogasyon, ikinasa ng pulis-ya ang operasyon sa Brgy. Tambo, malapit sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dakong 9:15 pm.
Nakuha rin sa kanila ang isang brown na Toyota Vios na may conduction sticker na YX1038.
Para mahuli ang iba pang kasamahan ginamit ng mga awtoridad ang cellular phone ni Candelaria para masukol nang makipagkasundo na magkikita sa Macapagal Avenue malapit sa PITX sa Bgy. Tambo.
Nang dumating ang isang van dakong 9:15 pm, bumaba ang tatlong lalaki ngunit nakatunog na may mga pulis sa paligid kaya nagpaputok sila habang pinasibad ng kanilang driver ang van upang makatakas.
Hanggang magpalitan ng putok ang mga pulis at mga suspek pero mas handa at nasa maayos na puwesto ang mga alagad ng batas kaya napuruhan nila ang tatlong galing sa van habang natamaan rin sa crossfire ang unang mga nahuli na sina Candelaria at Albao.
Tinamaan ng bala sa dibdib ang isa sa mga pulis na si P/Lt. Bobby Lumiwan pero nakaligtas dahil sa suot na bullet proof vest.
Dinala ang mga labi sa People’s Funeral Homes para sa awtopsiya.
Narekober sa pinangyarihan ang limang baril at iba pang mga gamit. (MANNY ALCALA, may kasamang ulat ni JAJA GARCIA)