MAS pinaiigting pa ng mga batayang sektor ang pagpapahayag nila ng suporta para kay Vice President Leni Robredo sa gitna ng protestang inihain ni Bongbong Marcos laban sa kaniya.
Panawagan ng iba’t ibang sektor sa Korte Suprema, na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal, tapusin sa lalong madaling panahon ang kasong walang basehan.
“VP Robredo, tunay na panalo!” sigaw ng mga grupo, na pinangunahan ng Bantay Nakaw Coalition, nang magtipon-tipon sila sa harap ng Korte Suprema sa Maynila nitong Martes, 17 Setyembre.
Giit nila, dapat nang maresolba ang kaso ngayong nakita sa initial recount na mas dumami pa ang boto para kay Robredo, sa tatlong probinsiyang pinili mismo ni Bongbong para patunayan ang alegasyon niyang nagkadayaan noong halalan ng 2016.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa isinagawang pagtitipon sa Padre Faura ang dating Commission on Human Rights chair na si Etta Rosales.
“Nandito tayo para sa katotohanan — katotohanan na ang boto ni Leni Robredo ay lalong lumamang pa, lalong dumami pa sa Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur,” aniya.
“Nandito tayo bilang kinatawan ng mga mamamayan na talagang tunay na umaasa na ang katotohanan ay lalabas na,” dagdag niya.
Nagpahayag rin ng suporta ang iba’t ibang mga sektor na tumulong maiangat si VP Robredo sa pagkapanalo noong 2016.
“Tuloy-tuloy na pakikipaglaban, tuloy-tuloy na pagsuporta sa tunay na panalo,” ani Kilos Maralita lead convenor Manny Manato. “Ang Supreme Court ay hindi dapat mayanig sa mga paandar ni Marcos. Hindi po tayo magpapadala. Ang Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas ay walang iba kundi si Leni Robredo.”
HATAW News Team