INARESTO ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Makati City ang sikat na FlipTop rapper na si Loonie at apat nitong kasamahan sa isinagawang buy bust operation sa basement ng isang hotel sa naturang lungsod kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police ang mga suspek na si Marlon Peroramas, sa tunay na buhay, alyas Loonie, David Rizon, Ivan Agustin, Albert Alvarez at kapatid nitong si Idyll Liza Peroramas.
Nadakip ang mga suspek dakong 8:45 pm sa basement ng condominium sa Polaris St., Brgy. Poblacion, Makati.
Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan ang kilos ng grupo ni Loonie makaraan silang makatanggap ng impormasyon na si Loonie umano’y nagbebenta ng droga.
Nakipagkaibigan ang nagpanggap na poseur-buyer hanggang makuha nito ang loob ni Loonie at saka isinagawa ang transaksiyon kung saan nakabili ng high-grade marijuana o kush sa halagang P100,000 kapalit ng marked money.
Dito na inaresto si Loonie at apat niyang kasama at nakompiska ang 15 sachets ng marijuana na nakasilid sa cellphone box.
Mariing itinanggi ni Loonie ang paratang sa kanya at sinabing nagtungo sila roon para mag-gig sa hotel. Sasampahan ang mga suspek ng kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Drugs Act Law at nakapiit sa Makati detention cell.
Nakilala at sumikat si Loonie sa kanyang original hit song na “Tao Lang” at nagkamit siya ng award para rito.
(MANNY ALCALA)