UMABOT sa P204 milyon halaga ng droga ang nasamsam sa arestadong high-value target (HVT) sa lungsod ng Pasig na sinabing miyembro ng sindikato na sangkot sa drug trafficking.
Kinilala ni NCRPO Regional Director P/Gen. Guillermo Eleazar ang nadakip na si Manolito Lugo Carlos, alyas Lito o Tonge, residente sa Sorrento Oasis condominium sa Barangay Rosario, sa lungsod ng Pasig.
Dakong 7:40 pm, sinalakay ang tahanan ng suspek ng magkasanib na grupo ng Regional Drugs Enforcement Unit, RSOU, EPD at Pasig PNP, kasama ang PDEA dala ang search warrant na inisyu ni Executive Judge Danilo Cruz ng Pasig RTC Branch 152.
Nakuha ng mga awtoridad ang 30 piraso ng big heat-sealed plastic pack ng Chinese tea na naglalaman ng shabu at tumitimbang ng isang kilo bawat plastic na may kabuuhang 30 kilos at may street value na P204 milyon; sari-saring drug paraphernalia, deposit slips ng iba’t ibang banko na nabatid na nakapaloob ang naturang halaga ng koleksiyon bilang kabayaran sa nasamsam na droga.
Base sa record ng NCRPO, ang suspek ay isang high-profile drug personality at major target ng operational plan ng mga awtoridad.
Napag-alamang main player ang suspek sa sindikatong sangkot sa kalakaran ng illegal drug trafficking na nag-o-operate sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.
Sinabing konektado ang suspek sa drug personalities na nahatulan na at ngayon ay binubuno ang sentensiya sa National Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City.
Kanang kamay din umano ang suspek ng isang convicted drug lord at katiwala sa storage at pagpapakalat ng ilegal na droga.
Ayon sa awtoridad, si Manolito ay nadakip at nakasuhan na noong taong 2000 sa Mandaluyong ngunit napawalang sala at nakalaya kaya nakapagpatuloy sa mga ilegal niyang gawain.
Nakatakdang sampahan ngayong araw ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA9165 ang suspek.
(EDWIN MORENO)