ISANG prison guard ang malubhang nasugatan matapos saksakin ng isang bilanggo na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip kahapon ng umaga sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Isinugod sa NBP Hospital ang biktima na kinilalang si Correction Insp. Edgardo Ferrer, dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan bago inilipat sa ibang pagamutan para lapatan ng lunas.
Naganap ang pangyayari pasado 8:00 am sa loob ng Maximum Security Compound, NBP, Brgy. Poblacion, Muntinlupa.
Sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan ng suspek na bilanggo na kinilalang si Wilson Topic, ang guwardiya, saka biglang inundayan ng saksak sa katawan.
Ayon kay Officer-in-Charge Asec. Melvin Buenafe ng Bureau of Corrections (BuCor) naospital ang suspek na preso sa psychiatric ward ng ospital ng NBP noong 23 Hulyo hanggang 3 Setyembre dahil sa schizophrenia.
Dinala agad sa Psychiatric Ward ng NBP si Topic para sa pagsusuri.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng NBP sa nangyaring pananaksak ng isang preso at wala pang malinaw na dahilan kung bakit nagawa ito ni Topic.
Isinusulat ang balita ay hindi pa rin nakikipag-ugnayan ang mga tauhan ng NBP sa Muntinlupa Police kaugnay ng pangyayari.
Hindi umano pinayagan na makapasok sa loob ng NBP ang mga tauhan ng Muntinlupa Police para sa isasagawang imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Samantala, hiniling ni Senate President Vicente Sotto, sa National Bureau of Investigation (NBI) ang masusing imbestigasyon sa bagong insidente na naganap sa NBP. (MANNY ALCALA/JAJA GARCIA)