TAHASANG ibinunyag at tinukoy ng dating bilanggo na dati rin alkalde ng Valencia, Bukidnon na si Jose Galario Jr., ang mga doktor na sangkot sa ‘hospital pass for sale’ sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa pag-uusia ni Senator Christopher “Bong” Go, isiniwalat ni Galario ang pangalan nina Dr. Ursinio Cenas at Dr. Ernesto Tamayo.
Ayon sa dating alkalde, isang retired policeman, nagbabayad umano sila kay Cenas, para mabigyan ng medical attention.
Nakikita raw niya sa ospital na mayroong nagbabayad para makapanatili sa ospital kahit walang sakit at para makagamit ng cellphone.
Ani Galario, convicted sa graft case, siyam na drug lords daw ang kaniyang nakikita roon na matagal nang naka-confine ngunit wala namang karamdaman.
Minsan tumatagal ang drug lords nang anim hanggang walong buwan sa ward ng ospital.
Ang Bilibid hospital ward ay may kapasidad na 100 pasyente.
Sa kanyang alegasyon, sinabi ni Galario, nasa 90% ng drug lords ay kay Cenas dumederetso.
Nagpapabayad din umano ang mga doktor kapag may ipapasok na gamot at pagkain ang mga dumadalaw.
Ibinulgar ni Galario na ilang beses siyang ‘naglagay’ ng P1,000 kay Cenas na umabot sa P8,000.
Kasama ng dating alkalde na humarap sa Senado ang kanyang anak na babae na SI Liezel na nagkuwento rin sa kanyang mga naoobserbahan.
Inilarawan ni Liezel kung paano tinatanggap ng doktor ang ‘bayad’ at inilalagay sa drawer ng table.
Pero todo tanggi sina Cenas at Tamayo sa lahat ng alegasyon.
Gayonman inamin ni Cenas na nagbigay ng pera si Galario na sa akala niya ay galing sa puso nito at regalo.
Aniya, tinatanggihan niya ito pero iniiwan umano sa kanyang mesa ang pera. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)