INAMIN ng hepe ng legal division ng Bureau of Corrections (BuCor) ang talamak na korupsiyon sa ahensiya.
Sa pagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Atty. Fredric Santos na ‘nababayaran lahat’ sa BuCor.
Si Santos ay isa sa mga opisyal ng BuCor na pinatawan ng suspensiyon ng Office of the Ombudsman.
Kabilang sa inihalimbawa ni Santos ang pagpayag na mag-inuman o gumamit ng cellphone ang mga preso.
Imbes ireklamo ang preso na mahuhuli, kukunin ng prison guard ang cellphone.
Bilang pasasalamat, bibigyan ng preso ang prison guard ng P500 o P1,000.
Ayon kay Santos, 23 taon na siya sa BuCor.
Aniya, ang halaga na ibinibigay para makapagpasok ng cellphone ang isang bilanggo ay depende sa kaniyang ‘standing.’
HATAW News Team
3 BuCor OFFICIALS
PINATAWAN
NG CONTEMPT
KASAKULUYANG nakapiit sa isang silid sa gusali ng Senado ang tatlong Bureau of Corrections (BuCor) officials matapos maramdaman ng mga senador na nagsisinungaling o hindi nagsasabi ng totoo ang tatlo.
Kabilang sa mga officials sina Atty. Fredric Anthony Santos, ang hepe ng Legal Division ng BuCor; Ramoncito Roque, pinuno ng Documents and Records Section; at Dr. Ursicio Cenas ng National Bilibid Prison (NBP) Hospital.
Kahit sinabi ng tatlo na sila ay nagsasabi nang totoo ay hindi nakombinsi ang mga senador kaya iniutos sa tanaggapan ng Sergeant-at-Arms na ikulong pagkatapos ng pagdinig.
Naniniwala si Senador Richard Gordon na mayroong itinatago at pinoprotektahan ang tatlo kaya’t patuloy ang kanilang pagtatago sa kakatohanan.
Tiniyak ni Gordon, makalalaya ang tatlo kung tuluyang matatanggap ng mga senador ang kanilang mga kasagutan sa susunod na pagdinig.
(NIÑO ACLAN)
NBP DOCTOR IDINIIN
NG EX-MAYOR SA ‘FOR SALE’
NA HOSPITAL PASS
TAHASANG ibinunyag at tinukoy ng dating bilanggo na dati rin alkalde ng Valencia, Bukidnon na si Jose Galario Jr., ang mga doktor na sangkot sa ‘hospital pass for sale’ sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa pag-uusia ni Senator Christopher “Bong” Go, isiniwalat ni Galario ang pangalan nina Dr. Ursinio Cenas at Dr. Ernesto Tamayo.
Ayon sa dating alkalde, isang retired policeman, nagbabayad umano sila kay Cenas, para mabigyan ng medical attention.
Nakikita raw niya sa ospital na mayroong nagbabayad para makapanatili sa ospital kahit walang sakit at para makagamit ng cellphone.
Ani Galario, convicted sa graft case, siyam na drug lords daw ang kaniyang nakikita roon na matagal nang naka-confine ngunit wala namang karamdaman.
Minsan tumatagal ang drug lords nang anim hanggang walong buwan sa ward ng ospital.
Ang Bilibid hospital ward ay may kapasidad na 100 pasyente.
Sa kanyang alegasyon, sinabi ni Galario, nasa 90% ng drug lords ay kay Cenas dumederetso.
Nagpapabayad din umano ang mga doktor kapag may ipapasok na gamot at pagkain ang mga dumadalaw.
Ibinulgar ni Galario na ilang beses siyang ‘naglagay’ ng P1,000 kay Cenas na umabot sa P8,000.
Kasama ng dating alkalde na humarap sa Senado ang kanyang anak na babae na SI Liezel na nagkuwento rin sa kanyang mga naoobserbahan.
Inilarawan ni Liezel kung paano tinatanggap ng doktor ang ‘bayad’ at inilalagay sa drawer ng table.
Pero todo tanggi sina Cenas at Tamayo sa lahat ng alegasyon.
Gayonman inamin ni Cenas na nagbigay ng pera si Galario na sa akala niya ay galing sa puso nito at regalo.
Aniya, tinatanggihan niya ito pero iniiwan umano sa kanyang mesa ang pera. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
MARAMING RAKET
SA BILIBID
— Ex-BuCor chief
ISINIWALAT ni dating Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rafael Ragos na talagang matindi ang mga raket sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Magugunitang pinamunuan ni Ragos ang BuCor noong panahon ng Aquino administration na ang kanyang boss ay si dating Senador Leila de Lima.
Ilan sa mga tinukoy ni Ragos na source ng pera sa bilibid ng mga opisyal ng Bureau ang suhol mula sa mga sugalan, pagpasok ng pagkain, kidnap for ransom, at pagpasok ng mga babae para sa high profile inmates.
Dito ay umaabot umano sa P30,000 ang bayad para sa isang babae upang mag-perform at iba pang gawain.
Nabanggit bilang example ang grupo ng “Mocha Girls” na isa raw sa mga pinapasok sa national penitentiary noong mga nakalipas na panahon.
Lumalabas na P300,000 ang minimum na natatanggap ng BuCor official kada linggo at iba pa ang pasalubong kapag may bagong natatalagang pinuno, habang P5 milyon para sa special deals.
(NIÑO ACLAN)