LIMANG Chinese drug lords ang ‘pinalaya’ ng Bureau of Corrections (BuCor) sa loob ng dalawang buwan, pagbubunyag ni Senator Panfilo Lacson nitong Huwebes.
Ayon kay Lacson, may kopya siya ng mga bilanggong kalalaya lang sa New Bilibid Prison (NBP) at natuklasan na apat sa kanila ay convicted Chinese drug lords.
Ani Lacson, sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che, at Wu Hing Sum ay pinalaya nitong Hunyo 2019.
Sa karagdagang detalye, sinabi ni Lacson, ang apat ay mula sa Building 14, Maximum Security Compound.
Sa text messages sa mga reporter, sinabi ni Lacson walang nakaaalam kung nasaan na ang apat na Chinese nationals mula nang palayain sa NBP.
Ang isa umanong preso na si Ho Wai Pang, ay inilipat sa pangangalaga ng Bureau of Immigration (BI) pero hindi na rin alam kung ipinatapon na sa labas ng bansa.
Wala na umanong ibang detalyeng hawak si Lacson maliban sa rason na GCTA ang dahilan ng paglaya ng nasabing Chinese nationals.
Ani Lacson, hiningi niya ang listahan ng mga lalaya noong 20 Agosto, na kinabibilangan ni convicted rapist-murderer Antonio Sanchez, pero sinabi umano sa kanyang nawawala ang listahan.
“We are trying to look for a copy of the August 20 release order in favor of Mayor Sanchez but apparently nawawala ang kopya,” ani Lacson.
Sinabi ni Sanchez, ang dating mayor ng Calauan, Laguna, at ng kanyang pamilya na ang kanyang release documents ay pirmado na.
Si Sanchez ay nahatulan noong 1995 sa panggagahasa at pagpatay sa UP Los Baños student na si Eileen Sarmenta at pagpaslang kay Allan Gomez noong 1993.
Naging mainit na usapin ang posibleng paglaya ni Sanchez, na nagbunsod kay Justice Secretary Menardo Guevarra para isuspendi ng BuCor ang pagpoproseso ng GCTA beneficiaries.
Nauna rito, inihayag ni Guevarra na si Sanchez, at ang 11,000 preso, ay posibleng makalaya sa loob ng dalawang buwan dahil sa GCTA.
Pero biglang nagbago ang ‘tono’ at sinabing hindi ‘eligible’ si Sanchez para sa GCTA.
Sinabi ni BuCor director Nicanor Faeldon na rerepasohin ng ahensiya ang record ni Sanchez ngunit paglaon ay sinabing hindi kalipikado sa GCTA.
HATAW News Team