NAGTATAKA naman tayo sa ibang politiko lalo na ‘yung mga mambabatas na kapag nakabubuti sa mga kababayan natin, lalo ‘yung mahihirap na kababayan na nangangailangan ng tulong, e nanggagalaiti sila sa pagbatikos.
Huwag na tayong lumayo, itong Malasakit Centers na nagkataong pet project ni Senador Bong Go, kahit noong hindi pa siya senador.
Mantakin ninyong akusahan na ginamit ni Bong Go para sa kanyang pangangampanya noong nakaraang eleksiyon?!
Ito namang si Rep. Edcel Lagman, minsan ka rin namang napalapit sa kusina at hindi lang iyong ilong ang naulingan kung hindi talagang nagmantika ang nguso, e bakit ngayon itong kasalukuyang malapit sa kusina na ginagamit na bentaha para makapaglingkod sa mahihirap nating mga kababayan ‘e iyong pinupukol?!
Ano ba ang masama sa Malasakit Centers na malaking tulong sa mga nangangailagan nating kababayan?!
Gusto mo bang palitan ang pangalan?!
Dapat siguro’t umistambay ka sa mga ospital na malaki ang nagagawa ng Malasakit Center sa mga kababayan nating nangangailangan, bago ka magsalita nang ganyan.
Huwag na sanang politikahin ang mga proyektong nakatutulong.
Bilang mambabatas, ang pangunahing gawain ninyo ay bantayan ang mga inihahaing batas nang sa gayon ay hindi na maulit ang kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA).
‘Yan kaya ang pag-isipan ninyo nang husto nang sa gayon ay hindi na makalusot ang mga ‘pusakal’ na gaya ni Sanchez.
Aba ‘e nagagalit nga ang pamilya ni Sanchez dahil mayroon na raw order na makalalabas na ang kanilang padre de familia pero bakit nabalam pa?!
Salamat sa mga nag-ingay sa social media at sa iba pang porma ng media at naalarma ang mga kinauukulan kaya hindi natuloy ang paglaya ni Sanchez.
‘Yan ang tutukan ninyo Congressman Lagman, huwag ang mga proyektong nakatutulong sa maliliit nating kababayan.
Tanggapin mo rin ang katotohanan na hindi ninyo panahon ngayon.
Hayaan n’yo namang malasap ng mga kababayan nating mahihirap ang tunay na malasakit.
Tsupi, tsupi muna.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap