PINAGBABARIL hanggang mapatay ang isang opisyal ng New Bilibid Prison (NBP) sa pananambang ng hindi kilalang suspek lulan ng motorsiko habang binubuksan ang gate ng parking area kahapon ng hapon sa Muntinlupa City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ruferto Traya, 53, assistant chief ng NBP Documents Section at nakatira sa Type B, NBP reservation Compound, Brgy. Poblacion, Muntinlupa.
Namatay noon din ang biktima dulot ng isang tama ng bala sa ulo at dalawa sa kanyang katawan.
Dakong 1:40 pm nang maganap ang insidente sa Amparo St., Brgy. Poblacion, sa naturang lungsod.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binubuksan ni Traya ang gate ng parking area para ilabas ang kanyang sasakyan nang biglang huminto ang isang motorsiklo at agad binaril ang biktima sa ulo.
Habang nakahandusay, binaril pa nang dalawang beses sa katawan ang biktima saka mabilis na tumakas ang suspek kasama ang alalay niyang nakamotorsiklo na nagsilbing back-up matapos isagawa ang pamamaril.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang motibo ng pagpaslang sa biktima.
ni MANNY ALCALA