IPINAAASUNTO ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang ilang indibidwal na nasa likod ng pag-iimbak, pagbebenta at distribusyon ng hot meat sa Maynila.
Sa pahayag ng alkalde, ipinag-utos niya sa hepe ng City Legal at Business Permits and Licensing Office na ihanda ang kaso laban sa mga nasabing indibidwal o grupo.
Pananagutin din aniya ang mga may-ari ng mga paupahang apartment at lumang bahay na ginamit na bodega at taguan ng mga hot meat na mula pa sa China at ilegal na ipinasok sa bansa.
Dagdag ng alkalde, ipasusuri rin sa city building official ang nasabing mga paupahan dahil napag-alamang walang mga lisensya o permit nang inspeksiyonin sa pangunguna ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna.
Mensahe ni Moreno sa publiko, nais ng pamahalaang lungsod ng Maynila na mapanatiling malinis at ligtas ang karneng ibinebenta sa mga merkado sa lungsod upang maproteksiyonan ang mga mamimili at mamamayan sa buong lungsod.
Ang kautusan ni Moreno, kasunod na rin ng ginawang pagsalakay at pag-inspeksiyon ng bise alkalde kasama ang MPD-PS 1 sa pangunguna ni P/Lt Col. Reynaldo Magdaluyo, Veterinary Inspection Board (VIB), Department of Public Safety (DPS) sa siyam na bodega sa Juan Luna St., sa Tondo at sa Binondo nitong Lunes ng hapon na nadiskubre at nasamsam ang nasa mahigit P20-M frozen hot meat o nasa 15.6 tonelada na aabot sa 15,659.78 kilos.
Ayon kay Moreno, epekto ito ng kanyang mission order sa VIB na bumuo ng Special Enforcement Squad na kanyang nilagdaan.