MULA sa University of the Philippines (UP) Diliman Campus na simbolikong isinara ng mga estudyanteng nagpoprotesta ang makasaysayang Palma Hall upang ipaabot sa pamahalaan na tutol sila sa mungkahing magtalaga ng mga pulis at sundalo sa loob ng UP campuses, sumabay ang iba pang mag-aaral sa UP Visayas.
Hindi bababa sa 100 mag-aaral mula sa UP Visayas ang lumahok sa walkout kahapon, Martes, 20 Agosto, bilang protesta sa nakaambang pagtatalaga ng mga pulis at mga sundalo sa kanilang campus.
Nag-walkout ang mga estudyante, karamihan ay nakasuot ng itim dakong 11:30 am mula sa mga campus ng UP Visayas sa lungsod ng Iloilo at sa bayan ng Miag-ao bilang bahagi ng UP system-wide protest kontra militarisasyon sa loob ng kanilang paaralan.
Sa lungsod ng Iloilo, nag-ipon ang mga mag-aaral sa lobby ng College of Management building bago sama-samang nagmartsa patungong UP Oblation para roon ganapin ang programa.
Dala ng mga estudyante ang mga plakard na nakasulat ang mga katagang, “Activists are not terrorists.”
Samantala sa Miag-ao campus, nag-ipon ang mga estudyante sa College Union Building at nagsagawa ng protesta sa harap ng College of Arts and Sciences building.
Mariing kinondena ng mga mag-aaral ang pahayag nina dating Philippine National Police chief at ngayon ay Senador Ronald dela Rosa at ng ilang opisyal ng pulisya na nagtutulak na magtalaga ng mga pulis at sundalo sa loob ng mga paaralan upang pigilan ang pangangalap ng mga bagong kasapi sa New People’s Army.
Ayon sa nagpoprotesta, pagmumulan ito ng paglabag sa mga karapatang pantao ng mga mag-aaral at ng mga guro, at paglabag din sa kanilang academic freedom.
Tinututulan ng mga mag-aaral ang pagrerepaso ng kasunduan ng Department of National Defense at ng University of the Philippines na nagbabawal sa mga operasyon ng mga pulis at mga sundalo sa loob ng kahit anong UP campus nang walang pagsang-ayon mula sa mga opisyal ng pamantasan.
Inendoso ng mga opisyal ng UP Visayas ang students’ walk-out.
Samantala, hindi rin bababa sa 100 estudyante ang nakibahagi sa walkout protest sa UP-Tacloban.
Ayon kay Sheena Esplago, fourth-year biology student, hindi dapat ituring na pagsusulong ng komunismo ang aktibismo na laganap sa mga campus ng pambansang pamantasan.
Nagsimula dakong 2:30 pm ang indignation rally sa pamamagitan ng martsa sa loob ng campus.
Nagtuloy ang protesta sa downtown area ng lungsod at nagsalita ang mga lider ng iba’t ibang organisasyon mula sa iba pang mga paaralan.
Nagtapos ang protesta dakong 4:30 pm.