SA ANIM na pampublikong ospital sa Lungsod ng Maynila, tanging ang Ospital ng Maynila (OSMA) ang nasa kategoryang Level 3 ayon sa Department of Health (DOH).
Nangangahulugan, ani Manila Vice Mayor Honey Lacuna na ang OSMA ay makapagbibigay ng kompletong serbisyo dahil maraming mga manggagamot na titingin sa mga pasyente.
Ang Ospital ng Sta. Ana ay nasa kategoryang Level 2, samantala ang apat pang ospital gaya ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Justice Abad Santos Medical Center, Ospital ng Tondo at Ospital ng Sampaloc ay nasa kategoryang Level 1.
Ipinaliwanag ni Lacuna, ang mga ospital na mas mababa sa Level 3 ay kulang sa mga doktor kaya gaya bagaman nagagawan ng paraan ay nahihirapan silang tanggapin ang maraming pasyente na nagpapatingin sa mga nasabing ospital.
Hindi gaya ng OSMA, bukod sa maraming nakatalagang doktor ay komplerto sa pasilidad para makapagbigay ng magandang serbisyo mga pasyente.
Sinabi ni Lacuna, maraming doktor ang napipilitang mag-resign dahil malilit ang kanilang tinatanggap na suweldo na umaabot sa P50-P57,000 kada buwan kompara sa mga doktor na na nagseserbisyo sa national hospitals gaya ng Philippine General Hospital (PGH) at Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na kumikita nang mahigit P75,000 bawat buwan.
Gayonman, ipinaliwanag ni Lacuna na ginagawan nila ng paraan na maisaayos ang badyet upang matugunan ang lahat ng ipagkakaloob na serbisyong medikal para sa mga tagalungsod ng Maynila.