LALO pang dumarami ang mga Filipino na nagtitiwala kay Vice President Leni Robredo, na nagpapatuloy sa kaniyang trabaho kahit kapos sa pondo at kaliwa’t kanan ang hinaharap na pagsubok sa kaniyang mandato.
Ayon sa pinakabagong survey na inilabas ng Pulse Asia, bilib pa rin ang mayorya sa trabahong ginagawa ng Bise Presidente, na nakakuha ng 55% approval rating sa ikalawang quarter ng taon.
Mas mataas ito ng anim na percentage points kompara sa nakuha niya noong Marso.
Samantala, lumalakas pa ang tiwala ng taong-bayan kay VP Leni, na nakatanggap ng 52% trust rating sa June 2019 survey. Limang puntos ang itinaas nito mula noong unang bahagi ng taon.
Malaki ang pasasalamat ng kampo ng Bise Presidente sa paglaki ng suporta at tiwalang kaniyang natatanggap.
Ayon sa kaniyang tagapagsalita na si Atty. Barry Gutierrez, magsisilbi itong inspirasyon para lalo pang paghusayan ni VP Leni ang kaniyang trabaho — lalo na para sa mga nangangailangan.
Umarangkada ang suporta kay VP Leni sa Mindanao, na nakapagtala siya ng 57% trust rating, o pagtaas ng 14 percentage points mula Marso.
Hanga rin sa kaniyang pagtupad ng trabaho ang mas maraming taga-Mindanao, na binigyan siya ng 63% approval rating, na mas mataas nang 11 percentage points.
Solid pa rin ang Visayas para sa Bise Presidente, na nakatanggap mula roon ng 66% approval rating — mas mataas nang 9 percentage points — at 58% trust rating.
Bumuti rin ang ratings ni VP Leni sa Luzon, na nagbigay sa kaniya ng 52% approval at trust ratings.
Maugong ang tiwala sa Pangalawang Pangulo ng mga Filipino na nasa laylayan. Tumaas pareho ng 6 percentage points ang trust ratings na ibinigay sa kaniya ng Class D at E, na ngayon ay nasa 52% at 56% na.
Samantala, aprub ang mas maraming Filipino — anuman ang lagay sa buhay — sa trabahong ginagawa ni VP Leni.
Nakakuha siya ng 42% approval rating sa mga nakaaangat sa buhay na nasa Class ABC, pagtaas ng 4 percentage points mula Marso. Binigyan siya ng 54% ng Class D at 60% ng Class E, na parehong mas mataas kompara sa unang bahagi ng taon.
HATAW News Team