NAGSAGAWA ng sorpresang inspeksiyon si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Linggo ng madaling araw sa paligid ng Andres Bonifacio Shrine sa Lawton kasunod ng isinagawang paglilinis sa nasabing dambana ni Gat Andres Bonifacio at liwasan sa paligid nito.
“About one week ago, punong-puno po ito ng mga nakasementong bahay, banyo, tindahan, for six years nanatili sila rito,” wika ni Domagoso.
“Ang linis-linis na. Hindi na rin mapanghi. Wala nang tae,” dagdag niya. “Bagong pintura na rin (ang bantayog ni) Emilio Jacinto.”
Matatandaang nakatapak ng dumi ng tao si Isko habang ininspeksiyon niya ang paligid ng monumento kamakailan.
Siniyasat din ni Domagoso ang mga bagong instilang Capiz lanterns sa mga puno sa paligid ng parke.
“Ang ganda ng mga ilaw. Hindi ka na kakabahan (kapag maglalakad dito),” wika ni Mayor.
Nakiusap naman si Isko sa mga pumapasyal sa naturang lugar na huwag mag-iwan ng kanilang mga basura o pinagkainan at iwasang magkalat.
“Nakalulungkot lang, itinatapon nila ‘yung basura nila kung saan saan, pero we’ll still continue to clean it,” dagdag niya.